YouVersion Logo
Search Icon

2 Pedro 2

2
Mga Huwad na Guro
1Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong nagligtas sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak. 2At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay mapaparatangan ng masama. 3Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang matatamis na pananalita. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.
4Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno kung saan sila'y iginapos sa kadiliman#4 sa impiyerno…sa kadiliman: Sa ibang manuskrito'y sa madilim na hukay. upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. 5Dahil#Gen. 6:1–7:24; Kar. 10:4. sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama. 6Sinumpa#Gen. 19:24. at tinupok#6 at tinupok: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito. ng Diyos ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan. 7Ngunit#Gen. 19:1-16; Kar. 10:6-8. iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang namighati dahil sa mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya. 8Naghihirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon. 9Alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paanong paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan, 10lalo na ang sumusunod sa mahalay na nasa ng katawan at humahamak sa kapangyarihan ng Diyos.
Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong binabanggit ko. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito. 11Samantalang ang mga anghel, kaysa mga huwad na guro, na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi gumamit ng panlalait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa mga ito. 12Ang mga taong ito'y parang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Kinakalaban nila ang mga bagay na hindi nila nauunawaan, kaya't papatayin din sila tulad ng maiilap na hayop. 13Pahihirapan sila gaya ng pagpapahirap nila sa iba. Ang kaligayahan nila'y ang hayagang magpasasa sa nasa ng laman. Dumadalo pa naman sila sa inyong salu-salo, ngunit kahiya-hiya at kasiraang-puri ang kanilang ginagawa; ikinatutuwa nilang kayo'y kanilang nalilinlang. 14Wala silang hinahanap kundi mga babaing mapag-aaliwan nila; wala silang sawa sa paggawa ng kasalanan. Itinutulak pa nila sa pagkakasala ang mahihina. Sila'y mga sakim at sila'y isinumpa! 15Lumihis#Bil. 22:4-35. sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor#15 BEOR: Sa ibang manuskrito'y Bosor. na nagpahalaga sa bayad sa paggawa ng masama. 16Dahil dito, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan.
17Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos ang kadiliman para sa kanila. 18Mayayabang sila kung magsalita, ngunit wala namang kabuluhan ang sinasabi. Ginagamit nila ang nasa ng laman upang maibalik sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay ng may kalikuan. 19Ipinapangako nila ang kalayaan sa nahihikayat nila, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang hindi niya kayang mapanagumpayan. 20Nakaiwas na sa kasamaan ng daigdig ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit kung muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. 21Mabuti pang hindi na nila natutuhan ang daang matuwid, kaysa matapos matutuhan ang banal na Kautusang itinuro sa kanila ay tumalikod sila dito. 22Angkop#Kaw. 26:11. na angkop sa nangyari sa kanila ang mga kasabihang:
“Ugali ng aso, matapos sumuka
ay muling kinakain ang nailuwa na,”
at,
“Ito namang baboy, paliguan mo man,
pilit na babalik sa dating lubluban.”

Currently Selected:

2 Pedro 2: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in