Jeremias 4
4
Isang Panawagan Upang Magsisi
1Ganito ang sabi ni Yahweh: “Mga taga-Israel, kung kayo'y manunumbalik at lalapit kayo sa akin; kung inyong tatalikuran ang mga diyus-diyosan at mananatili kayong tapat sa akin, 2magiging totoo at makatuwiran ang inyong panunumpa sa aking pangalan. Dahil dito'y hihilingin ng lahat ng bansa na sila'y aking pagpalain at pupurihin naman nila ako.”
3Ganito#Hos. 10:12. naman ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: “Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa; huwag ninyong ihasik ang binhi sa gitna ng dawagan. 4Tuparin ninyo ang inyong pangako sa akin, at italaga ang inyong buhay sa paglilingkod. Kung hindi, sisiklab ang aking poot dahil sa inyong mga nagawang kasamaan.”
Binantaang Sakupin ang Juda
5Hipan ang trumpeta sa buong lupain!
Isigaw nang malinaw at malakas:
“Mga taga-Juda at taga-Jerusalem,
magsipasok kayo sa inyong mga kublihang lunsod.
6Ituro ang daang patungo sa Zion!
Magtago na kayo at huwag magpaliban!
Mula sa hilaga'y magpapadala si Yahweh
ng lagim at pagkawasak.
7Parang leong lumitaw ang magwawasak ng mga bansa.
Lumakad na siya upang wasakin ang Juda.
Ang mga lunsod nito'y duduruging lahat
at wala nang maninirahan doon.
8Magsuot kayo ng damit na panluksa, lumuha kayo at manangis,
sapagkat ang poot ni Yahweh sa Juda'y hindi makakalimutan.”
9Ang sabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, masisiraan ng loob at matatakot ang mga hari at mga pinuno, ang mga pari ay masisindak, at magugulat ang mga propeta.”
10Pagkatapos ay sinabi ko, “Panginoong Yahweh! Nilinlang ninyo ang mga taga-Jerusalem! Sinabi ninyong iiral ang kapayapaan ngunit ngayon, isang tabak ang nakaamba sa kanila.”
11Sa panahong iyon ay sasabihin sa mga taga-Jerusalem: “Umiihip mula sa disyerto ang nakakapasong hangin patungo sa kaawa-awa kong bayan. Hindi upang linisin silang tulad ng trigo kung pinahahanginan. 12Mas malakas ang hanging aking padala upang hampasin ang bayan ko. Ako, si Yahweh, ang nagpaparusa ngayon sa kanila.”
Napaligiran ng mga Kaaway ang Juda
13Masdan ninyo! Dumarating na parang mga ulap ang kaaway. Parang ipu-ipo ang kanilang mga karwaheng pandigma; mabilis pa sa agila ang kanilang mga kabayo. Matatalo tayo! Ito na ang ating wakas! 14Talikdan mo na Jerusalem, ang iyong mga kasalanan, upang maligtas ka. Hanggang kailan ka mag-iisip ng masama?
15Dumating ang mga tagapagbalita mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim, dala ang malagim na balita. 16Upang bigyang babala ang mga bansa at sabihin sa mga taga-Jerusalem: “Dumarating na ang mga kaaway mula sa malayong lupain, at sumisigaw ng pakikidigma laban sa mga lunsod ng Juda!” 17Paliligiran nila ang Jerusalem, parang bukid na ligid ng mga bantay; sapagkat ang mga tagaroon ay naghimagsik laban kay Yahweh. 18Ikaw na rin, Juda, ang dapat sisihin sa parusang darating sa iyo dahil sa iyong mga kasalanan. Tatagos sa iyong buong katawan ang paghihirap ng iyong puso.
Nagdalamhati si Jeremias Dahil sa Kanyang mga Kababayan
19Ang hapdi ay hindi ko halos matagalan!
Kumakabog ang aking dibdib!
Hindi ako mapalagay;
naririnig ko ang tunog ng mga trumpeta at ang sigaw ng digmaan.
20Sunod-sunod ang mga kapahamakang dumarating sa bayan.
Bigla na lamang bumabagsak ang aming mga tolda
at napupunit ang mga tabing.
21Hanggang kailan magtatagal ang paglalaban
at maririnig ang tunog ng mga trumpeta?
22At sinabi ni Yahweh, “Napakahangal ng aking bayan;
hindi nila ako nakikilala.
Tulad nila'y mga batang wala pang pang-unawa.
Sanay sila sa paggawa ng masama
ngunit bigo sa paggawa ng mabuti.”
Ang Pangitain ni Jeremias Tungkol sa Darating na Pagkawasak
23Pagkatapos ay tiningnan ko ang daigdig; wala itong hugis o anumang kaanyuan,
at sa langit ay walang anumang tanglaw.
24Tumingin ako sa mga bundok at mga burol;
ang mga ito'y nayayanig dahil sa lindol.
25Wala akong makitang tao, wala kahit isa;
pati mga ibon ay nagliparan na.
26Ang masaganang lupain ay naging disyerto;
wasak ang mga lunsod nito
dahil sa matinding poot ng Diyos.
27Sinabi ni Yahweh, “Masasalanta ang buong lupain ngunit hindi ko lubusang wawasakin.”
28Magluluksa ang sanlibutan,
magdidilim ang kalangitan.
Sinabi ni Yahweh ang ganito
at ang isip niya'y di magbabago.
Nakapagpasya na siya
at hindi na magbabago pa.
29Sa yabag ng mangangabayo at mamamana,
magtatakbuhan ang lahat;
ang ilan ay magtatago sa gubat;
ang iba nama'y sa kabatuhan aakyat.
Lilisanin ng lahat ang kabayanan,
at walang matitira isa man.
30Jerusalem, ikaw ay hinatulan na!
Bakit nakadamit ka pa ng matingkad na pula?
Ano't nagsusuot ka pa ng mga alahas, at ang mga mata mo'y may pintang pampaganda?
Pagpapaganda mo'y wala nang saysay!
Itinakwil ka na ng iyong mga kasintahan;
at balak ka pa nilang patayin.
31Narinig ko ang daing,
gaya ng babaing malapit nang manganak.
Ito ang taghoy ng naghihingalong Jerusalem
na nakadipa ang mga kamay:
“Ito na ang wakas ko,
hayan na sila upang patayin ako!”
Currently Selected:
Jeremias 4: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society