YouVersion Logo
Search Icon

Lucas 2

2
Ang Pagsilang ni Jesus
(Mt. 1:18-25)
1Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2Ang unang sensus na ito ay ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3Kaya't umuwi ang bawat isa sa sari-sariling bayan upang magpatala.
4Mula sa Nazaret, isang lunsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay kabuwanan na. 6Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Ang mga Pastol at ang mga Anghel
8Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. 9Lumapit#Tb. 5:4. at tumayo sa kalagitnaan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang nakakasilaw na kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13Bigla nilang nakitang kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,
14“Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”
15Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” 16Nagmamadali silang pumaroon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17Isinalaysay ng mga pastol ang sinabi ng anghel tungkol sa sanggol. 18Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.
20Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.
Pinangalanan si Jesus
21Pagsapit#Lev. 12:3; Lu. 1:31. ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.
Dinala si Jesus sa Templo
22Nang#Lev. 12:6-8. sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, 23sapagkat#Exo. 13:2, 12. ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.
25May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, 28kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,
29“Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.
30Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,
31na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.
32Ito#Isa. 42:6; 49:6; 52:10. po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.”
33Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”
36Naroon#Jdt. 8:4-5. din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa angkan ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon pa lamang silang nagsasama ng kanyang asawa, 37at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo, at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. 38Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria, at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Ang Pagbalik sa Nazaret
39Nang#Mt. 2:23. maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa hinihingi ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40Ang bata'y lumaking malusog, matalino, at kalugud-lugod sa Diyos.
Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo
41Taun-taon,#Exo. 12:1-27; Deut. 16:1-8. tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44Maghapon na silang nakapaglakbay na inaakalang kasama nila ang bata ngunit napansin nilang wala pala siya. Siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang katalinuhan. 48Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”
49Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?”#49 ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?: o kaya'y dapat kong iukol ang aking panahon sa gawain ng aking Ama? 50Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.
51Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52Patuloy#1 Sam. 2:26; Kaw. 3:4. na lumaki si Jesus; lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Currently Selected:

Lucas 2: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in