YouVersion Logo
Search Icon

Mga Kawikaan 1

1
Ang Kahalagahan ng mga Kawikaan
1Ang#1 Ha. 4:32. mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.
2Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pang-unawa sa mga salitang puno ng aral sa buhay. 3Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan. 4Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan, at ang mga kabataa'y matuturuang magpasya nang tama. 5Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman. 6Sa gayon, lubos nilang mauunawaan ang mga kawikaan, gayon din ang palaisipan ng mga marurunong.
Payo sa mga Kabataan
7Ang#Job 28:28; Awit 111:10; Kaw. 9:10; Ecc. 1:14. paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway.
8Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong ama,
at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng iyong ina;
9sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo,
parang kuwintas na may dalang karangalan.
10Aking anak, sakali mang akitin ka ng mga makasalanan,
huwag kang papayag, tanggihan mo sila.
11Kung sabihin nilang, “Halika't tayo ay mag-abang,
bilang katuwaa'y daluhungin ang mga walang malay.
12Sila'y ating dudumugi't walang awang papatayin,
at sila ay matutulad sa patay na ililibing.
13Ating sasamsamin ang lahat nilang kagamitan,
bahay nati'y mapupuno ng malaking kayamanan.
14Halika at sa amin ikaw nga ay sumama,
lahat ng masasamsam, bibigyan ang bawat isa.”
15Aking anak, sa kanila ay iwasan mong makisama,
umiba ka ng landas mo, papalayo sa kanila.
16Ang lagi nilang hangad, gumawa ng kasamaan,
sa tuwina ang bisig ay nakahanda sa pagpatay.
17Sa pag-uumang ng bitag ay walang mangyayari,
kung nakikita ng ibon na nais mo siyang mahuli.
18Ngunit hindi nalalaman ng mga taong iyon,
bitag nila ang sisilo sa sarili nilang ulo.
19Ganyan ang uuwian ng nabubuhay sa karahasan,
sa ganyan nga magwawakas ang masamang pamumuhay.
Ang Paanyaya ng Karunungan
20Karununga'y#Kaw. 8:1-3. umaalingawngaw sa mataong lansangan,
tinig niya'y nangingibabaw sa lugar ng pamilihan.
21Ito'y lumalampas sa mataas na mga muog,
ang ugong niya'y naririnig sa pintuan nitong lunsod:
22“Taong mangmang, walang hustong kaalaman,
hanggang kailan ka tatagal sa abâ mong kalagayan?
Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kamangmangan?
Kailan mo pa iisiping maghanap ng kaalaman?
23Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking pangaral;
sasainyo ang diwa ko at ang aking kaalaman.
24Patuloy nga itong mga panawagan ko sa inyo,
ngunit hindi ninyo pansin pati mga saway ko.
25Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo,
ayaw ninyong bigyang pansin, paalala ko sa inyo.
26Dahil dito, kayo'y aking tatawanan,
kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan.
27Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay,
dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang larawan,
at kung datnan kayo ng hapis at matinding dalamhati,
28sa araw na iyon ay di ko papakinggan ang inyong panawagan.
Hahanapin ninyo ako ngunit hindi masusumpungan.
29Pagkat itong karunungan ay di ninyo pinahahalagahan,
kay Yahweh ay di sumunod nang may lakip na paggalang.
30Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo,
itinapong parang dumi itong paalala ko.
31Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa,
at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama.
32Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang,
sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng kaalaman.
33Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay,
mabubuhay nang payapa, walang katatakutan.”

Currently Selected:

Mga Kawikaan 1: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in