Mga Kawikaan 10
10
Ang mga Kawikaan ni Solomon
Ang mga kawikaan ni Solomon:
1Ang matalinong anak ay ligaya ng magulang,
ngunit tinik sa dibdib ang anak na mangmang.
2Ang yamang buhat sa masama ay di papakinabangan,
ngunit ang katuwiran ay maglalayo sa kamatayan.
3Ang matuwid ay binibigyan ni Yahweh ng kasiyahan,
ngunit ang masama'y kanyang ginugutom naman.
4Ang kamay na tamad ay tiyak na magdarahop,
ngunit magbubunton ng yaman ang kamay na masinop.
5Ang nag-iimbak kung tag-araw ay nagpapakilala ng katalinuhan,
ngunit ang natutulog kung anihan ay nag-iipon ng kahihiyan.
6Ang matuwid ay mag-aani ng pagpapala't kabutihan,
ngunit ang bibig ng masama ay nagtatakip ng karahasan.
7Ang alaala ng matuwid, mananatili kailanman,
ngunit pangalan ng masama ay tiyak na mapaparam.
8Magandang payo'y tinatanggap ng pusong may unawa,
ngunit kapahamakan ang wakas ng mangmang na masalita.
9Ang namumuhay nang tapat ay pinaghaharian ng kapayapaan,
ngunit ang may likong landas ay malalantad balang araw.
10Ang malilikot na mata ay lagi sa kaguluhan,
at ang bibig na maluwang, hahantong sa kapahamakan.
11Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay,
ngunit labi ng masama ay nagtatakip ng karahasan.
12Sari-saring#San. 5:20; 1 Ped. 4:8. kaguluhan ang bunga ng kapootan,
ngunit ang pag-ibig ay pumapawi sa lahat ng kasalanan.
13Sa labi ng may unawa matatagpuan ang karunungan,
ngunit sa likod ng isang mangmang, pamalo ang kailangan.
14Ang taong matalino'y nag-iimpok ng karunungan,
ngunit ang salita ng mangmang ay nagdadala ng kapahamakan.
15Ang kayamanan ng mayama'y matibay niyang tanggulan,
ngunit ang kahirapan ng yagit ay kanyang kapahamakan.
16Ang kinikita ng matuwid ay nagbibigay-buhay,
ngunit ang sa masama, winawaldas sa kasamaan.
17Ang nakikinig sa payo ay nasa daan ng buhay,
ngunit ang ayaw sumunod ay tungo sa pagkaligaw.
18Ang nagtatanim ng poot ay puno ng kasinungalingan,
ang naninira sa kanyang kapwa ay isang taong mangmang.
19Ang taong masalita ay malapit sa pagkakasala,
ngunit ang nagpipigil ng dila ay dunong ang pakilala.
20Ang dila ng matuwid ay tulad ng pilak na mahalaga,
ngunit ang puso ng mangmang ay basura ang kagaya.
21Ang labi ng matuwid sa marami ay pakinabang,
ngunit ang mangmang ay namamatay nang walang karunungan.
22Ang pagpapala ni Yahweh ay kayamanan,
na walang kasamang kabalisahan.
23Ang paggawa ng kasalanan ay kasiyahan ng masama,
ngunit ang mabuting asal, kasiyahan ng may unawa.
24Ang kinatatakutan ng masama ay magaganap sa kanya,
ngunit ang hangarin ng matuwid ay matatamo niya.
25Tinatangay ng hangin ang taong masama,
ngunit ang matuwid ay gusaling di magiba.
26Kung paanong ang usok ay nakakaluha, ang suka ay nakakangilo,
gayon ang tamad na alipin, sa kanilang mga amo.
27Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagpapahaba ng buhay,
ngunit ang mga araw ng masama ay di magtatagal.
28Ang pag-asa ng matuwid ay may magandang kahinatnan,
ngunit ang pag-asa ng masama, ang dulot ay kabiguan.
29Si Yahweh ay kanlungan ng mga taong matuwid,
ngunit kaaway sila ng taong masama ang hilig.
30Ang matuwid ay mananatili sa kanyang dako,
ngunit ang masama, kung saan-saan matutungo.
31Ang salita ng matuwid ay nagpapakilala ng karunungan,
ngunit ang dilang sinungaling ay puputulin naman.
32Ang salita ng matuwid ay palaging angkop,
ngunit ang salita ng masama ay puro paninira.
Currently Selected:
Mga Kawikaan 10: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society