Mga Awit 35
35
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
1Ang mga salungat at laban sa akin, O Yahweh, sila ay iyo ngang digmain!
2Ang iyong kalasag at sandatang laan,
kunin mo at ako po ay iyong tulungan.
3Dalhin mo ang iyong palakol at sibat,
at sila'y tugisin hanggang sa mautas.
Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag!
4Silang nagnanasang ako ay patayin
ay iyong igupo at iyong hiyain;
at ang nagtatangkang lumaban sa akin,
hadlangan mo sila at iyong lituhin.
5Gawing parang ipa na tangay ng hangin,
habang tinutugis ng sinugong anghel.
6Hayaang magdilim, dumulas ang landas,
ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak.
7Ni walang dahilan, ang hangad sa akin
ako ay ihulog sa balong malalim, na ginawa nila upang ako'y dakpin.
8Hindi nila alam sila'y mawawasak,
sila'y mahuhulog sa sariling bitag;
sa hinukay nilang balon, sila'y lalagpak.
9Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak;
sa habag sa akin ako'y iniligtas.
10Buhat sa puso ko'y aking ihahayag,
“Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad!
Iniingatan mo laban sa malakas, ang mga mahihina't taong mahihirap,
at sa nang-aapi, sila'y ililigtas.”
11Ang mga masama'y nagpapatotoo,
at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako.
12Sa gawang mabuti, ganti ay masama;
nag-aabang sa akin at nagbabanta.
13Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko,
nagdaramit-luksa at nag-aayuno;
at nananalangin na yuko ang ulo.
14Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin;
Lumalakad ako na ang pakiramdam,
wari'y inulila ng ina kong mahal.
15Nagagalak sila kapag ako'y may dusa;
sa aking paligid nagtatawanan pa.
Binubugbog ako ng di kakilala,
halos walang tigil na pagpaparusa.
16Natutuwa silang ako'y maghinagpis;
sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.
17Hanggang kailan pa kaya, O Yahweh, maghihintay ako sa mahal mong tulong?
Iligtas mo ako sa ganid na leon;
sa paglusob nila't mga pagdaluhong.
18At sa gitna niyong mga kapulungan, ikaw, O Yahweh, pasasalamatan;
pupurihin kita sa harap ng bayan.
19Huwag#Awit 69:4; Jn. 15:25. mong tutulutang ang mga kaaway,
magtawanan sa aking mga kabiguan;
gayon din ang may poot nang walang dahilan,
magalak sa aking mga kalumbayan.
20Sila, kung magwika'y totoong mabagsik,
kasinungalingan ang bigkas ng bibig,
at ang ginigipit, taong matahimik.
21Ang paratang nila na isinisigaw:
“Ang iyong ginawa ay aming namasdan!”
22Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid,
kaya, Panginoon, huwag kang manahimik;
ako'y huwag mong iiwan sa paghihinagpis!
23Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol,
iyong ipaglaban ako, Panginoon.
24O Yahweh aking Diyos, sadyang matuwid ka, kaya ihayag mong ako'y walang sala;
huwag mong ipahintulot sa mga kaaway, na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan.
25Huwag mong pabayaang mag-usap-usapan,
at sabihing: “Aba! Gusto nami'y ganyan!”
Huwag mong itutulot na sabihin nilang:
“Siya ay nagapi namin sa labanan!”
26Silang nagagalak sa paghihirap ko,
lubos mong gapii't bayaang malito;
silang nagpapanggap namang mas mabuti,
hiyain mo sila't siraan ng puri.
27Ang nangagsasaya, sa aking paglaya
bayaang palaging sumigaw sa tuwa;
“Dakila si Yahweh, tunay na dakila;
sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.”
28Aking ihahayag ang iyong katuwiran,
sa buong maghapon ay papupurihan!
Currently Selected:
Mga Awit 35: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society