Mga Awit 42
42
IKALAWANG AKLAT
(Mga Awit 42—72)
Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag
Isang Maskil#MASKIL: Tingnan ang Awit 32. ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
1Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
2Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
3Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
“Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”
4Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
5Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.
6Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
7Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
8Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.
9Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
“Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
habang sila'y nagtatanong,
“Ang Diyos mo ba ay nasaan?”
11Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
Currently Selected:
Mga Awit 42: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society