YouVersion Logo
Search Icon

Mga Awit 46

46
Ang Diyos ay Sumasaatin
Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot#ALAMOT: Maaaring ang kahulugan ng salitang ito'y “ayon sa tinig ng babae” o kaya'y “mataas na tono”.
1Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan.
2Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok matangay;
3kahit na magngalit yaong karagatan,
at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)#3 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
4May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
5Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
6Nangingilabot din bansa't kaharian,
sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.
7Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)#7 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
8Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
9Maging pagbabaka ay napatitigil,
sibat at palaso'y madaling sirain;
baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
kataas-taasan sa lahat ng bansa,
sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
11Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)#11 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.

Currently Selected:

Mga Awit 46: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in