Mga Taga-Roma 8:1-14
Mga Taga-Roma 8:1-14 RTPV05
Kaya nga, hindi na hahatulang maparusahan ang mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Wala na ako sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan sapagkat pinalaya na ako ng kapangyarihan ng Espiritung nagbibigay-buhay sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa likas na kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. Ginawa ito ng Diyos upang ang panuntunan ng Kautusan ay matupad na sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman. Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Kaya nga, kapag sinusunod ng tao ang mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi niya sinusunod ang batas ng Diyos, at talaga namang hindi niya kayang sundin ito. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, nananatili na sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. Ngunit dahil nananahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo. Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa katawang makalaman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos.