Lucas 21

21
Ang Handog ng Isang Biyuda
(Mc. 12:41-44)
1Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang may dalang mga handog sa Templo. 2Nakita rin niya ang isang mahirap na biyudang naghulog ng dalawang tigsisingkwenta sentimo. 3Sinabi niya sa mga alagad, “Ang inihandog ng mahirap na biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat. 4Ang inilagay nila ay bahagi lamang ng labis na sa kanila, ngunit ang kanyang ibinigay ay ang buo niyang ikabubuhay.”
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo
(Mt. 24:1-2; Mc. 13:1-2)
5May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6“Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating
(Mt. 24:3-14; Mc. 13:3-13)
7Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?”
8Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, ‘Ako ang Cristo,’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong maniniwala sa kanila. 9Huwag kayong mababagabag kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga rebelyon. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi darating kaagad ang wakas.” 10At sinabi pa niya, “Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian. 11Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit.
12“Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. 14Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, 18ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. 19Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.”
Ang Darating na Pagkawasak ng Jerusalem
(Mt. 24:15-21; Mc. 13:14-19)
20“Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. 21Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. 22Sapagkat#Hos. 9:7. iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. 23Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito bilang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. 24Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila.”
Mga Tanda ng Pagbabalik ng Anak ng Tao
(Mt. 24:29-31; Mc. 13:24-27)
25“Magkakaroon#Isa. 13:10; Eze. 32:7; Joel 3:4; Pah. 6:12-13. ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. 26Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. 27Sa#Dan. 7:13; Pah. 1:7. panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. 28Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang inyong katubusan.”
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos
(Mt. 24:32-35; Mc. 13:28-31)
29At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinhaga, “Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy. 30Kapag nagkakadahon na ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 31Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. 32Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang lahat ng taong nabubuhay sa salinlahing ito. 33Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.”
Mag-ingat Kayo
34“Ang katakawan, paglalasing at kabalisahan sa buhay na ito ay alisin ninyo sa inyong isip. Mag-ingat kayo at baka bigla kayong abutan ng Araw na iyon 35na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao. 36Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito, at makaharap kayo sa Anak ng Tao.”
37Araw-araw,#Lu. 19:47. si Jesus ay nagtuturo sa Templo. Kung gabi nama'y umaalis siya at nagpapalipas ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. 38Maaga pa'y pumupunta na sa Templo ang mga tao upang makinig sa kanya.

S'ha seleccionat:

Lucas 21: MBB05

Subratllat

Comparteix

Copia

None

Vols que els teus subratllats es desin a tots els teus dispositius? Registra't o inicia sessió