GENESIS 3

3
Nagkasala ang Tao
1Ang#Apoc. 12:9; 20:2 ahas nga ay higit na tuso kaysa alinman sa mga mailap na hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Diyos. Sinabi niya sa babae, “Sinabi ba ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?’”
2At sinabi ng babae sa ahas, “Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan;
3subalit sinabi ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo'y mamamatay.’”
4Subalit sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay.
5Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo'y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo'y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”
6Kaya't nang makita ng babae na ang bunga ng punungkahoy ay mabuting kainin, nakakalugod sa paningin, na dapat nasain upang maging matalino, siya ay pumitas ng bunga nito at kinain ito; at binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at siya'y kumain.
7At parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila'y mga hubad. Magkasama silang nagtahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panakip.
8Narinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos na lumalakad sa halamanan sa malamig na bahagi ng maghapon. Nagtago ang lalaki at ang kanyang asawa sa Panginoong Diyos sa mga punungkahoy sa halamanan.
9Tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki at sa kanya'y sinabi, “Saan ka naroon?”
10Sinabi niya, “Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan at ako'y natakot, sapagkat ako'y hubad; at ako'y nagtago.”
11At sinabi niya, “Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? Kumain ka ba ng bunga ng punungkahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kainin?”
12Sinabi ng lalaki, “Ang babaing ibinigay mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito'y aking kinain.”
13Sinabi#2 Cor. 11:3; 1 Tim. 2:14 ng Panginoong Diyos sa babae, “Ano itong iyong ginawa?” Sinabi ng babae, “Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain.”
Ang Diyos ay Naggawad
14Sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas,
“Sapagkat ginawa mo ito
ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop,
at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang;
ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo,
at alabok ang iyong kakainin
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
15Maglalagay#Apoc. 12:17 ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa,
at sa iyong binhi at sa kanyang binhi.
Ito ang dudurog ng iyong ulo,
at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”
16Sinabi niya sa babae,
“Pararamihin ko ang paghihirap mo sa iyong paglilihi;
manganganak kang may paghihirap,
ngunit ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa,
at siya ang mamumuno sa iyo.”
17At#Heb. 6:8 kay Adan ay kanyang sinabi,
“Sapagkat nakinig ka sa tinig ng iyong asawa,
at kumain ka ng bunga ng punungkahoy
na aking iniutos sa iyo na,
‘Huwag kang kakain niyon,’
sumpain ang lupa dahil sa iyo.
Kakain ka mula sa kanya sa pamamagitan ng iyong mabigat na paggawa sa lahat ng mga araw ng iyong buhay;
18mga tinik at dawag ang sisibol doon para sa iyo,
at kakain ka ng tanim sa parang.
19Sa pawis ng iyong mukha
ay kakain ka ng tinapay,
hanggang ikaw ay bumalik sa lupa;
sapagkat diyan ka kinuha.
Ikaw ay alabok
at sa alabok ka babalik.”
20Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa na Eva#3:20 Sa Hebreo, ang pangalang Eva ay kahawig ng salita para sa nabubuhay. sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay.
21At iginawa ng Panginoong Diyos si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila'y dinamitan.
Pinalayas sina Adan at Eva sa Halamanan
22Sinabi#Apoc. 22:14 ng Panginoong Diyos, “Tingnan ninyo, ang tao'y naging parang isa sa atin, na nakakakilala ng mabuti at ng masama; at ngayon, baka iunat ang kanyang kamay at pumitas din ng bunga ng punungkahoy ng buhay, at kumain, at mabuhay magpakailanman.”
23Kaya't pinalayas siya ng Panginoong Diyos sa halamanan ng Eden upang kanyang bungkalin ang lupaing pinagkunan sa kanya.
24At kanyang itinaboy ang lalaki; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga kerubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang bantayan ang daang patungo sa punungkahoy ng buhay.

Jelenleg kiválasztva:

GENESIS 3: ABTAG01

Kiemelés

Megosztás

Másolás

None

Szeretnéd, hogy a kiemeléseid minden eszközödön megjelenjenek? Regisztrálj vagy jelentkezz be