JUAN 4

4
Si Jesus at ang Babaing Samaritana
1Nang malaman ni Jesus#4:1 Sa ibang mga kasulatan ay ng Panginoon. na nabalitaan ng mga Fariseo na siya ay gumagawa at nagbabautismo ng mas maraming alagad kaysa kay Juan,
2(kahit hindi nagbabautismo si Jesus, kundi ang kanyang mga alagad)
3umalis siya sa Judea at muling bumalik sa Galilea.
4Subalit kailangang dumaan siya sa Samaria.
5Sumapit#Gen. 33:19; Jos. 24:32 siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak.
6Naroon ang balon ni Jacob. Nang pagod na si Jesus sa kanyang paglalakbay, naupo siya sa tabi ng balon. Noon ay malapit nang magtanghaling-tapat.
7Dumating ang isang babaing Samaritana upang umigib ng tubig. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bigyan mo ako ng inumin.”
8Sapagkat ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lunsod upang bumili ng pagkain.
9Sinabi#Ezra 4:1-5; Neh. 4:1, 2 sa kanya ng babaing Samaritana, “Paanong nangyari na ikaw na isang Judio, ay humihingi ng maiinom sa akin na isang babaing Samaritana? (Sapagkat hindi nakikisama ang mga Judio sa mga Samaritano.)#4:9 o Hindi gumagamit ang mga Judio ng mga gamit ng mga Samaritano.
10Sumagot si Jesus, “Kung nalalaman mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng inumin;’ ikaw ay hihingi sa kanya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buháy.”
11Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon. Saan ka ngayon kukuha ng tubig na buháy?
12Higit ka bang dakila kaysa sa aming amang si Jacob na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop?”
13Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang bawat uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw,
14subalit ang sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan.
15Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang ako'y hindi na mauhaw o pumarito pa upang umigib.”
16Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umalis ka na! Tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.”
17Ang babae ay sumagot sa kanya, “Wala akong asawa.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sabi mo, ‘Wala akong asawa;’
18sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo ang sinabi mong ito.”
19Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta.
20Sumamba ang aming mga ninuno sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na ang lugar na dapat pagsambahan ng mga tao ay sa Jerusalem.”
21Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, maniwala ka sa akin na darating ang oras na inyong sasambahin ang Ama, hindi sa bundok na ito o sa Jerusalem.
22Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala. Sinasamba namin ang nakikilala namin sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio.
23Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya.
24Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan.”
25Sinabi ng babae sa kanya, “Nalalaman ko na darating ang Mesiyas (ang tinatawag na Cristo). Pagdating niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay.”
26Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako nga iyon na kumakausap sa iyo!”
27Nang oras na iyon ay dumating ang kanyang mga alagad. Sila'y nagtaka na siya'y nakikipag-usap sa isang babae, subalit walang nagsabi, “Ano ang gusto mo?” o, “Bakit ka nakikipag-usap sa kanya?”
28Kaya't iniwan ng babae ang kanyang banga ng tubig at pumunta sa lunsod, at sinabi sa mga tao,
29“Halikayo, tingnan ninyo ang isang tao na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa. Ito na nga kaya ang Cristo?”
30Lumabas sila sa lunsod, at pumunta sa kanya.
31Samantala, hinimok siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, kumain ka.”
32Subalit sinabi niya sa kanila, “Ako'y may pagkain na hindi ninyo nalalaman.”
33Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”
34Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kanyang gawain.
35Hindi ba sinasabi ninyo, ‘May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid#4:35 Sa Griyego ay itanaw ninyo ang inyong mga mata. at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin.
36Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak.
37Sapagkat dito'y totoo ang kasabihan, ‘Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.’
38Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran; iba ang nagpagod at kayo'y pumasok sa kanilang pinagpaguran.”
39At marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang sumampalataya sa kanya dahil sa sinabi ng babae, na nagpatotoo, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.”
40Kaya nang dumating sa kanya ang mga Samaritano, nakiusap sila sa kanya na manatili sa kanila; at siya'y nanatili roon ng dalawang araw.
41At marami pang sumampalataya sa kanya dahil sa kanyang salita.
42Sinabi nila sa babae, “Ngayo'y sumampalataya kami, hindi dahil sa iyong sinabi, sapagkat kami mismo ay nakarinig at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno
43Pagkaraan ng dalawang araw ay umalis siya roon at nagtungo sa Galilea,
44sapagkat#Mt. 13:57; Mc. 6:4; Lu. 4:24 si Jesus din ang nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalan sa kanyang sariling lupain.
45Kaya't#Jn. 2:23 nang siya'y dumating sa Galilea ay tinanggap siya ng mga taga-Galilea, nang kanilang makita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginawa sa Jerusalem sa kapistahan, sapagkat sila ay pumunta rin sa kapistahan.
46Pagkatapos#Jn. 2:1-11 ay pumunta siyang muli sa Cana ng Galilea na doo'y kanyang ginawang alak ang tubig. At sa Capernaum ay naroroon ang isang pinuno ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay maysakit.
47Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, pumunta siya roon at nakiusap sa kanya na siya'y pumunta at pagalingin ang kanyang anak na lalaki sapagkat siya'y malapit nang mamatay.
48Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Malibang makakita kayo ng mga tanda at mga kababalaghan ay hindi kayo mananampalataya.”
49Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta ka na bago mamatay ang aking anak.”
50Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka na, ang anak mo ay mabubuhay.” Pinaniwalaan ng lalaki ang salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at siya'y humayo sa kanyang lakad.
51Habang siya'y papunta, sinalubong siya ng kanyang mga alipin na nagsasabing ang kanyang anak ay ligtas na.#4:51 Sa Griyego ay buháy.
52Kaya't itinanong niya sa kanila ang oras nang siya'y nagsimulang gumaling. At sinabi nila sa kanya, “Kahapon, nang ika-isa ng hapon, nawalan siya ng lagnat.”
53Kaya't nalaman ng ama na sa oras na iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang anak mo ay mabubuhay.” Kaya't siya'y sumampalataya, at ang kanyang buong sambahayan.
54Ito ang ikalawang tanda na ginawa ni Jesus pagkatapos na siya'y pumunta sa Galilea mula sa Judea.

Nu geselecteerd:

JUAN 4: ABTAG01

Markering

Deel

Kopiëren

None

Wil je jouw markerkingen op al je apparaten opslaan? Meld je aan of log in

Video voor JUAN 4