LUCAS 24
24
Nabuhay Muli si Jesus
(Mt. 28:1-10; Mc. 16:1-8; Jn. 20:1-10)
1Subalit nang unang araw ng sanlinggo sa pagbubukang-liwayway, pumunta sila sa libingan, dala ang mga pabango na kanilang inihanda.
2At nakita nilang naigulong na ang bato mula sa libingan.
3Subalit nang sila'y pumasok ay hindi nila nakita ang bangkay.#24:3 Sa ibang mga kasulatan ay bangkay ng Panginoong Jesus.
4Habang sila'y nagtataka tungkol dito, biglang may dalawang lalaki na nakasisilaw ang mga damit ang tumayo sa tabi nila.
5Ang mga babae ay natakot at isinubsob ang kanilang mga mukha sa lupa, subalit sinabi ng mga lalaki sa kanila, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa gitna ng mga patay?
6Wala#Mt. 16:21; 17:22, 23; 20:18, 19; Mc. 8:31; 9:31; 10:33, 34; Lu. 9:22; 18:31-33 siya rito, kundi muling nabuhay. Alalahanin ninyo kung paanong siya ay nagsalita sa inyo noong siya'y nasa Galilea pa,
7na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng mga makasalanan, at ipako sa krus, at muling mabuhay sa ikatlong araw.”
8At naalala nila ang kanyang mga salita,
9at pagbabalik mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isa, at sa lahat ng iba pa.
10Ang nagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila.
11Subalit ang mga salitang ito'y inakala nilang walang kabuluhan at hindi nila pinaniwalaan.
[12Subalit tumayo si Pedro at tumakbo sa libingan. Siya'y yumukod at pagtingin niya sa loob ay nakita niya ang mga telang lino na nasa isang tabi. Umuwi siya sa kanyang bahay na nagtataka sa nangyari.]
Ang Paglalakad Patungong Emaus
(Mc. 16:12, 13)
13Nang araw ding iyon, dalawa sa kanila ang patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, na may animnapung estadia#24:13 o katumbas ng halos pitong milya. ang layo sa Jerusalem,
14at pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga bagay na ito na nangyari.
15Samantalang sila'y nag-uusap at nagtatanungan, si Jesus mismo ay lumapit at naglakbay na kasama nila.
16Subalit ang kanilang mga mata ay hindi pinahihintulutan na makilala siya.
17At sinabi niya sa kanila, “Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad?” At sila'y tumigil na nalulungkot.
18Isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, ang sumagot sa kanya, “Ikaw lang ba ang tanging dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam ng mga bagay na nangyari sa mga araw na ito?”
19Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” At sinabi nila sa kanya, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan,
20at kung paanong siya ay ibinigay ng mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan, at siya'y ipinako sa krus.
21Subalit umasa kami na siya ang tutubos sa Israel.#24:21 o magpapalaya sa Israel. Oo, at bukod sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.
22Bukod dito, binigla kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Sila ay maagang pumunta sa libingan,
23at nang hindi nila matagpuan ang kanyang bangkay, sila ay bumalik. Sinabi nilang sila ay nakakita ng isang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya'y buháy.
24Pumaroon sa libingan ang ilang kasama namin at nakita nila ang ayon sa sinabi ng mga babae, subalit siya'y hindi nila nakita.”
25At sinabi niya sa kanila, “O napakahangal naman ninyo at napakakupad ang mga puso sa pagsampalataya sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta!
26Hindi ba kailangang ang Cristo ay magdusa ng mga bagay na ito at pagkatapos ay pumasok sa kanyang kaluwalhatian?”
27At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan.
28Nang sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan, nauna siya na parang magpapatuloy pa.
29Subalit kanilang pinigil siya at sinabi, “Tumuloy ka sa amin, sapagkat gumagabi na, at lumulubog na ang araw.” At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.
30Habang siya'y nakaupong kasalo nila sa hapag, kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan. Ito'y kanyang pinagputul-putol at ibinigay sa kanila.
31Nabuksan ang kanilang mga mata, siya'y nakilala nila, at siya'y nawala sa kanilang mga paningin.
32Sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin,#24:32 Sa ibang mga kasulatan ay walang sa loob natin. habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?”
33Sa oras ding iyon ay tumayo sila at bumalik sa Jerusalem at naratnang nagkakatipon ang labing-isa at ang kanilang mga kasama.
34Sinasabi nila, “Talagang bumangon ang Panginoon at nagpakita kay Simon!”
35At isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputul-putulin niya ang tinapay.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad
(Mt. 28:16-20; Mc. 16:14-18; Jn. 20:19-23; Gw. 1:6-8)
36Samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, si Jesus#24:36 Sa Griyego ay siya. ay tumayo sa gitna nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.”#24:36 Sa ibang mga kasulatan ay wala ang at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.”
37Subalit sila'y kinilabutan at natakot at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.
38Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo'y natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso?
39Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”
[40Pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.]
41Samantalang nasa kanilang kagalakan ay hindi pa sila naniniwala at nagtataka, sinabi niya sa kanila, “Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?”
42At kanilang binigyan siya ng isang pirasong inihaw na isda.
43Kanyang kinuha iyon at kumain sa harapan nila.
44Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, noong ako'y kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, sa mga propeta, at sa mga awit.”
45At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan.
46Sinabi niya sa kanila, “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw;
47at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem.
48Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.
49At#Gw. 1:4 tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas.”
Dinalang Paitaas sa Langit si Jesus
(Mc. 16:19, 20; Gw. 1:9-11)
50Kanyang#Gw. 1:9-11 inilabas sila hanggang sa tapat ng Betania at nang maitaas niya ang kanyang mga kamay, sila'y kanyang binasbasan.
51At habang binabasbasan niya sila, kanyang iniwan sila [at dinala siya paitaas sa langit].
52Siya'y sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan.
53At sila'y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos.#24:53 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.
Nu geselecteerd:
LUCAS 24: ABTAG01
Markering
Deel
Kopiëren
Wil je jouw markerkingen op al je apparaten opslaan? Meld je aan of log in
©Philippine Bible Society, 2001