Nabalitaan ng tatlo sa mga kaibigan ni Job ang masamang nangyari sa kanya. Itoʼy sina Elifaz na taga-Teman, si Bildad na taga-Shua, at si Zofar na taga-Naama. Nagkasundo silang tatlo na dalawin si Job upang damayan siya at aliwin. Malayo-layo pa sila, nakita na nila si Job, ngunit halos hindi na nila ito makilala. Kaya napaiyak sila nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng alikabok sa kanilang ulo bilang pagpapakita ng pagdadalamhati. Pagkatapos, umupo sila sa lupa kasama ni Job sa loob ng pitong araw at pitong gabi. Hindi sila nagsalita dahil nakita nila ang labis na paghihirap na dinaranas ni Job.