Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Juan 3

3
1Isipin ninyo kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Ama sa atin! Dahil sa dakila niyang pag-ibig ay tinawag niya tayong mga anak niya, at tunay ngang tayoʼy mga anak niya! Ang dahilan kung bakit hindi tayo kilala ng mundo ay dahil hindi nila kilala ang Diyos. 2Mga minamahal, mga anak na tayo ng Diyos. Ngunit hindi pa naihahayag kung magiging ano tayo sa hinaharap. Subalit alam natin na sa pagbabalik ni Kristo, tayo ay magiging katulad niya dahil makikita natin ang tunay niyang anyo. 3Kaya ang sinumang may ganitong pag-asa kay Kristo ay nagsisikap linisin ang kanyang buhay upang maging katulad ito ng buhay ni Kristo na malinis.
4Ang lahat ng nagkakasala ay lumalabag sa Kautusan ng Diyos dahil ang kasalanan ay paglabag sa Kautusan. 5Alam ninyong si Kristo na walang kasalanan ay naparito sa mundo upang alisin ang ating mga kasalanan. 6Walang sinumang nananatili kay Kristo ang nagpapatuloy sa kasalanan. Sapagkat ang sinumang nagpapatuloy sa kasalanan ay hindi nakakakilala sa kanya o nakakaunawa kung sino siya.
7Mga minamahal kong anak, huwag kayong magpalinlang kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng tama ay matuwid, tulad ni Kristo na matuwid. 8Ngunit ang nagpapatuloy sa kasalanan ay kampon ng diyablo, dahil ang diyablo ay gumagawa na ng kasalanan mula pa sa simula. Ito ang dahilan kung bakit naparito ang Anak ng Diyos: upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. 9Ang mga anak ng Diyos ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan dahil nananatili sa kanila ang katangian ng Diyos. At dahil ang Diyos ang kanilang Ama, hindi na sila maaaring magpatuloy sa pagkakasala. 10Ganito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: Ang sinumang hindi gumagawa ng tama o hindi nagmamahal sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos.
Magmahalan Tayo
11Sapagkat ito ang aral na narinig ninyo noong nagsimula kayo sa pananampalataya: Magmahalan tayo. 12Huwag ninyong tularan si Cain, na kampon ng diyablo at pumatay sa kanyang kapatid. At bakit niya pinatay ang kanyang kapatid? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, at matuwid naman ang mga gawa ng kanyang kapatid. 13Kaya huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung kinamumuhian kayo ng mundo. 14Alam nating iniwan na natin ang daang patungo sa kamatayan at lumipat na tayo sa daang patungo sa buhay, dahil minamahal natin ang ating mga kapatid kay Kristo. Ang sinumang hindi nagmamahal sa kapwa ay nananatili sa daang patungo sa kamatayan. 15Ang sinumang namumuhi sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan.
16Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig: Inialay ni Hesu-Kristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid. 17Kung sinuman ang nasa maayos na pamumuhay at nakikita ang isang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito tinutulungan, masasabi ba nating sumasakanya ang pag-ibig ng Diyos? 18Mga minamahal kong anak, huwag tayong magmahal sa salita lamang; sa halip ipakita natin sa gawa na tunay tayong nagmamahal.
19Sa ganitong paraan natin matitiyak na tayo nga ay nasa katotohanan at magiging panatag din ang ating kalooban sa harapan ng Diyos 20kahit inuusig man tayo ng ating konsensiya. Sapagkat ang Diyos ay mas higit kaysa sa ating konsensiya at nalalaman niya ang lahat ng bagay. 21Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating konsensiya, panatag tayong makakalapit sa Diyos. 22At matatanggap natin ang anumang hilingin natin sa kanya, dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. 23At ito ang kanyang utos: Sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Hesu-Kristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos niya sa atin. 24Ang mga sumusunod sa utos ng Diyos ay nananatili sa kanya, at nananatili rin ang Diyos sa kanila. At malalaman natin na nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.

Kasalukuyang Napili:

1 Juan 3: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in