1 Mga Taga-Tesalonica 4:1-8
1 Mga Taga-Tesalonica 4:1-8 ASD
Mga kapatid, may isa pa kaming ipapakiusap sa inyo, sa pangalan ng Panginoong Hesus. Natutunan na ninyo sa amin kung paano mamuhay nang kalugod-lugod sa Diyos, at itoʼy ginagawa na ninyo. Ngayon, hinihiling namin na ipagpatuloy pa sana ninyo ito at lalo pa itong pag-ibayuhin. Sapagkat alam ninyo ang mga utos ng Panginoong Hesus na ibinigay namin sa inyo: Nais ng Diyos na maging banal kayo, kaya lumayo kayo sa seksuwal na imoralidad. Dapat ay matutong magpigil ang bawat isa sa sarili niyang katawan sa banal at marangal na pamamaraan, at hindi sa makamundong pagnanasa katulad ng ginagawa ng mga hindi kumikilala sa Diyos. Huwag ninyong abusuhin o kayaʼy pagsamantalahan ang inyong kapatid sa bagay na ito dahil paparusahan ng Panginoon ang sinumang gumagawa ng mga ito, tulad ng mahigpit naming babala sa inyo noon pa. Tinawag tayo ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. Kaya, ang sinumang hindi sumusunod sa mga utos na ito ay hindi sa isang tao sumusuway kundi sa Diyos na nagbibigay sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.

