2 Pedro 3:5-10
2 Pedro 3:5-10 ASD
Sinasadya nilang kalimutan ang katotohanang nilikha ng Diyos ang langit sa pamamagitan ng kanyang salita. At nilikha niya ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. At sa pamamagitan din ng tubig, bumaha sa mundo at nalipol ang lahat. Sa pamamagitan din ng kanyang salita, itinakdang tupukin ng Diyos sa apoy ang kasalukuyang langit at lupa sa Araw ng Paghuhukom at paglipol sa masasamâ. Ngunit huwag sana ninyong kakalimutan mga minamahal, na sa Panginoon, walang pinagkaiba ang isang araw sa isang libong taon. Para sa kanya ang mga ito ay pareho lang. Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo, binibigyan lang niya ng pagkakataong magsisi ang lahat sa mga kasalanan nila, dahil ayaw niyang mapahamak ang sinuman. Ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, biglang maglalaho ang kalangitan kasabay ng nakakapangilabot na ugong. Tutupukin ng apoy ang mga elemento sa kalangitan at ang lupa at ang lahat ng naroon ay masusunog.



