Mga Gawa 14:9-23
Mga Gawa 14:9-23 ASD
Nakinig siya sa mga mensahe ni Pablo. Tinitigan ni Pablo ang lumpo at nakita niyang may pananampalataya ito na gagaling siya. Kaya malakas niyang sinabi, “Tumayo ka!” Biglang tumayo ang lalaki at naglakad-lakad. Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Bumaba ang mga diyos dito sa atin at nagkatawang-tao!” Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at Hermes naman si Pablo dahil siya ang mismong tagapagsalita. Ang templo ng kanilang diyos na si Zeus ay malapit lang sa labas ng lungsod. Kaya nagdala ang pari ni Zeus ng mga torong may kuwintas na bulaklak doon sa pintuan ng lungsod. Gusto niya at ng mga tao na ihandog ito sa mga apostol. Ngunit nang malaman iyon ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang damit at tumakbo sila sa gitna ng mga tao at sumigaw, “Mga kaibigan, bakit kayo maghahandog sa amin? Tao lang din kaming katulad ninyo. Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran na ninyo ang mga walang kuwentang diyos na iyan at lumapit sa Diyos na buháy. Siya ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng bagay na narito. Noon, hinayaan ng Diyos ang mga tao na sumunod sa gusto nila. Ngunit hindi nagkulang ang Diyos sa pagpapakilala ng kanyang sarili sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa. Binibigyan niya kayo ng ulan at mga ani sa takdang panahon. Masaganang pagkain ang ibinibigay niya sa inyo upang masiyahan kayo.” Subalit kahit ganito ang sinasabi ng mga apostol, nahirapan pa rin silang pigilan ang mga tao na maghandog sa kanila. May mga Hudyong dumating na nagmula sa Antioquia at Iconio na nakakumbinsi sa mga tao na kumampi sa kanila. Pinagbabato nila si Pablo at hinila palabas ng lungsod sa pag-aakalang patay na siya. Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad ni Hesus, bumangon siya at bumalik sa lungsod. Kinabukasan, pumunta silang dalawa ni Bernabe sa Derbe. Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Magandang Balita sa Derbe at marami silang nahikayat na maging alagad ni Hesu-Kristo. Pagkatapos, bumalik na naman sila sa Listra, Iconio, at sa Antioquia na sakop ng Pisidia. Pinatatag nila ang loob ng mga alagad ni Hesus at pinayuhang magpatuloy sa kanilang pananampalataya. Sinabi pa nila, “Maraming paghihirap ang daranasin natin bago tayo makapasok sa kaharian ng Diyos.” Pumili sina Pablo at Bernabe ng mga mamumuno sa bawat iglesya. Nag-ayuno sila at nanalangin para sa mga napili, at ipinagkatiwala nila ang mga ito sa Panginoon na kanilang pinananaligan.

