Mga Gawa 27:21-26
Mga Gawa 27:21-26 ASD
Ilang araw nang hindi kumakain ang mga tao, kaya sinabi ni Pablo sa kanila, “Mga kaibigan, kung nakinig lang kayo sa akin na hindi tayo dapat umalis sa Creta, naiwasan sana natin ang mga pinsala at kapahamakang ito. Ngunit ngayon, hinihiling ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob dahil walang mamamatay sa atin; ang barko lang ang masisira. Nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na humirang sa akin at aking pinaglilingkuran. Sinabi niya, ‘Pablo, huwag kang matakot. Dapat kang humarap sa Emperador sa Roma. At sa kagandahang-loob ng Diyos, ang lahat ng kasama mo dito sa barko ay maliligtas dahil sa iyo.’ Kaya mga kaibigan, tibayan ninyo ang inyong loob, dahil nananalig ako sa Diyos na matutupad ang kanyang sinabi sa akin. Subalit tayoʼy kailangang mapadpad sa isang isla.”

