Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Colosas 3:1-17

Mga Taga-Colosas 3:1-17 ASD

Yamang kayoʼy binuhay muli kasama ni Kristo, ituon ninyo ang inyong puso sa mga bagay sa langit kung saan naroroon si Kristo at nakaupo sa kanan ng Diyos. Doon ninyo ituon ang isip nʼyo, at hindi sa mga makamundong bagay. Sapagkat namatay na kayo sa dati nʼyong buhay, at ang buhay ninyo ngayon ay nakatagong kasama ni Kristo sa Diyos. At kung maihayag na si Kristo na siyang buhay natin, kayo rin ay mahahayag na kasama niya sa kaluwalhatian. Kaya puksain na ninyo ang anumang kamunduhang nasa inyo: ang seksuwal na imoralidad, kalaswaan, pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga diyos-diyosan. Paparusahan ng Diyos ang mga taong gumagawa ng mga bagay na iyon. Ganoon din ang pamumuhay ninyo noon. Ngunit ngayon, dapat na ninyong itakwil ang lahat ng ito: galit, poot, sama ng loob, paninira sa kapwa, at malaswang pananalita. Huwag kayong magsinungaling sa isaʼt isa, sapagkat hinubad nʼyo na ang dati ninyong pagkatao at masasamang gawain, at isinuot na ninyo ang bagong pagkatao. Ang pagkataong itoʼy patuloy na binabago ng Diyos na lumikha nito, upang maging katulad niya tayo at upang makilala natin siya nang lubusan. Dahil dito, wala nang ipinagkaiba ang Hudyo sa Hentil, ang tuli sa hindi tuli, ang barbaro, ang hindi sibilisado, ang alipin, at ang malaya. Si Kristo na ang kabuuan ng lahat, at siyaʼy nasa ating lahat. Kaya bilang mga banal at minamahal na mga pinili ng Diyos, dapat kayong maging mapagmalasakit, mabuti ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis. Maging mapagparaya kayo sa isaʼt isa at magpatawaran kayo kung may hinanakit kayo kaninuman, dahil pinatawad din kayo ng Panginoon. At higit sa lahat, pairalin ninyo ang pag-ibig na nagdudulot ng tunay na pagkakaisa. Paghariin ninyo sa mga puso nʼyo ang kapayapaan ni Kristo. Sapagkat bilang mga bahagi ng iisang katawan, tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. Dapat din kayong maging mapagpasalamat. Hayaan ninyong manahan nang lubusan sa inyong mga puso ang mga aral ni Kristo. Paalalahanan at turuan nʼyo ang isaʼt isa ayon sa karunungang kaloob ng Diyos. Umawit kayo ng mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espirituwal na may pasasalamat sa Diyos sa mga puso ninyo. At anuman ang inyong gawin, sa salita man o sa gawa, gawin ninyo sa pangalan ng Panginoong Hesus nang may pasasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Taga-Colosas 3:1-17