Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 1:2-13

Daniel 1:2-13 ASD

Ibinigay ng Panginoon sa kanyang kamay si Haring Jehoiakim ng Juda, kasama ang ilang kagamitan sa templo ng Diyos. Dinala ni Haring Nebucadnezar ang mga ito sa Babilonia at inilagay sa taguan ng kayamanan doon sa templo ng kanyang diyos. Inutos ni Haring Nebucadnezar kay Aspenaz, ang punong opisyal ng palasyo niya, na pumili sa mga bihag na Israelita ng ilang kabataang mula sa angkan ng mga hari at angkan ng mga maharlika. Kinakailangan na ang mga ito ay makisig, malusog, matalino, mabilis kumilos at madaling turuan upang maging karapat-dapat maglingkod sa hari. Inutusan din niya si Aspenaz na turuan sila ng wika at mga panitikan ng mga taga-Babilonia. Iniutos din ng hari na mula sa kanyang sariling pagkain at inumin ang ibibigay sa kanila araw-araw. At pagkatapos ng tatlong taong pagsasanay, maglilingkod na sila sa kanya. Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias na pawang mula sa lahi ni Juda. Pinalitan ng punong tagapangasiwa ang kanilang mga pangalan. Si Daniel ay pinangalanang Beltesazar, si Hananias ay Shadrac, si Misael ay Meshac, at si Azarias ay Abednego. Ngunit ipinasya ni Daniel na hindi siya kakain ng pagkain o iinom ng inumin na galing sa hari upang hindi siya marumihan. Kaya nakiusap siya sa punong tagapangasiwa na payagan siyang huwag bigyan ng pagkain at inuming iyon. Niloob naman ng Diyos na panigan si Daniel ng punong tagapangasiwa ng palasyo. Ngunit sinabi ni tagapangasiwa kay Daniel, “Natatakot ako sa hari. Siya ang pumili kung ano ang kakainin at iinumin ninyo, at kung makita niyang hindi kayo malusog gaya ng ibang mga kabataan, baka ipapatay niya ako.” Dahil dito, nakiusap si Daniel sa itinalaga ni Aspenaz na tagapangasiwa nila Daniel, Hananias, Misael at Azarias, “Subukan nʼyo po kaming pakainin lang ng gulay at painumin ng tubig sa loob ng sampung araw. Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari, at tingnan ninyo kung ano ang magiging resulta. At bahala na kayo kung ano ang gagawin ninyo sa amin.”