Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Daniel 11:37-45

Daniel 11:37-45 ASD

Hindi niya kikilalanin ang diyos ng kanyang mga ninuno o ang diyos na mahal ng mga babae. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sa mga iyon. Wala siyang pahahalagahang diyos maliban sa diyos na nananalakay ng mga tanggulan. Pararangalan niya ang diyos na nananalakay ng mga tanggulan na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Hahandugan niya ito ng mga ginto, pilak, mamahaling bato, at ng iba pang mamahaling mga regalo. Lulusubin niya ang pinakamatibay na mga tanggulan sa tulong ng diyos na iyon na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Pararangalan niya ang mga taong mabuti sa kanya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang mamahala sa maraming tao. At bibigyan niya sila ng lupain bilang gantimpala. “Pagdating ng wakas, makikipaglaban ang hari ng timog sa hari ng hilaga. Ngunit lulusubin siya ng hari ng hilaga na may mga karwaheng pandigma, mga nangangabayong sundalo at mga hukbong pandagat. Lulusubin niya ang maraming bansa at maninira na parang baha. Lulusubin niya pati ang magandang lupain ng Israel, at maraming tao ang mamamatay. Ngunit makakatakas ang Edom, ang Moab at ang mga pinuno ng Amon. Maraming bansa ang kanyang lulusubin, kabilang dito ang Ehipto. Mapapasakanya ang mga ginto, pilak, at ang lahat ng kayamanan ng Ehipto. Sasakupin din niya ang Libya at Etiopia. Ngunit may mga balitang magmumula sa silangan at hilaga na babagabag sa kanya. Kaya sasalakay siya sa matinding galit, at maraming tao ang kanyang lilipulin nang lubusan. Magtatayo siya ng maharlikang tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok. Ngunit mamamatay siya nang wala man lang tutulong sa kanya.”