Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 2:2-23

Daniel 2:2-23 ASD

Ipinatawag ng hari ang kanyang mga salamangkero, engkantador, mangkukulam, at mga astrologo upang ipaliwanag nila ang kanyang mga panaginip. Sinabi ng hari sa kanila, “Nanaginip ako at binabagabag ako nito, kaya ipinatawag ko kayo dahil gusto kong malaman kung ano ang kahulugan ng panaginip na iyon.” Sumagot ang mga astrologo sa hari sa wikang Arameo, “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin na inyong mga lingkod ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.” Sinabi ng hari sa mga taga-Caldeo, “Ito ang aking napagpasyahan: Kung hindi ninyo mahulaan ang aking panaginip at ang kahulugan nito, pagpuputol-putulin ko ang katawan ninyo at ipapawasak ang inyong mga bahay. Kung mahuhulaan ninyo ang aking panaginip at maipaliwanag ang kahulugan nito, gagantimpalaan ko kayo at bibigyan pa ng malaking karangalan. Sige, hulaan na ninyo at ipaliwanag ang kahulugan nito.” Muli silang sumagot sa hari, “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.” Sinabi ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil alam ninyong gagawin ko ang sinabi ko sa inyo, na kung hindi ninyo mahulaan at maipaliwanag ang aking panaginip, paparusahan ko kayo katulad ng sinabi ko. Nagkasundo kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Hulaan na ninyo kung ano ang aking panaginip upang maniwala ako na marunong talaga kayong magpaliwanag ng kahulugan nito.” Sumagot ang mga taga-Caldeo sa hari, “Walang tao sa buong mundo ang makagagawa ng iniuutos ninyo. Wala pang hari ang nag-utos ng ganyan sa kanyang mga engkantador, mangkukulam, o mga astrologo. Napakahirap ng inyong hinihingi, Mahal na Hari. Ang mga diyos lang ang makakagawa niyan, pero hindi sila naninirahan kasama ng mga tao.” Dahil sa sagot nilang ito, galit na galit ang hari. At nag-utos siyang patayin ang lahat ng marurunong na mga tao sa Babilonia. Nang inilabas na ang utos ng hari na patayin ang mga marurunong, hinanap si Daniel at ang kanyang mga kasama upang patayin din. Kaya nakipag-usap si Daniel kay Arioc na kapitan ng mga tagapagbantay ng hari na siyang inutusan na patayin ang mga marurunong sa Babilonia. Maingat na nagtanong si Daniel sa kanya kung ano ang dahilan ng napakabigat na utos ng hari. Kaya sinabi sa kanya ni Arioc ang nangyari. Pagkatapos, pumunta si Daniel sa hari at hiniling niya na bigyan siya ng panahong maipaliwanag ang kahulugan ng panaginip nito. Pumayag naman ang hari, kaya umuwi si Daniel at ibinalita sa kanyang mga kasamahang sina Hananias, Misael at Azarias ang tungkol sa nangyari. Hiniling niya sa mga ito na manalangin upang kaawaan sila ng Diyos sa langit at upang malaman nila ang kahulugan ng panaginip ng hari, upang si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay hindi patayin kasama ng iba pang marurunong na tao sa Babilonia. Nang gabing iyon, ipinahayag ng Diyos kay Daniel ang panaginip ng hari at ang kahulugan nito sa pamamagitan ng pangitain. At pinuri ni Daniel ang Diyos sa langit. Sinabi niya, “Purihin ang Diyos magpakailanman. Siya ay matalino at makapangyarihan. Siya ang nagbabago ng panahon. Siya ang nagpapasya kung sino ang maghahari at siya rin ang nag-aalis sa kanila sa trono. Siya ang nagbibigay ng karunungan sa marurunong. Ipinapaliwanag niya ang mahihiwagang bagay na mahirap intindihin. Nasa kanya ang liwanag, at nalalaman niya ang anumang nasa kadiliman. O Diyos ng aking mga ninuno, pinupuri ko kayo at pinapasalamatan. Kayo ang nagbigay sa akin ng karunungan at kakayahan. At ibinigay nʼyo sa amin ang aming kahilingan sa inyo na ipahayag sa amin ang panaginip ng hari.”