Nagpagawa si Haring Nebucadnezar ng rebultong ginto. May 90 talampakan ang taas at 9 na talampakan ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Nebucadnezar ang mga gobernador, mga mayor, mga komisyoner, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, at iba pang mga opisyal ng lalawigan para dumalo sa pagtatalaga ng nasabing rebulto. Nang naroon na sila nakatayo sa harap ng rebulto, sumigaw ang tagapagbalita, “Kayong mga nanggaling sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika, kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, plauta, kudyapi, alpa, at iba pang mga instrumento, lumuhod kayo agad at sumamba sa rebultong itinayo ni Haring Nebucadnezar. Ang sinumang hindi sasamba ay agad na itatapon sa naglalagablab na hurno.” Kaya nang marinig nila ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebulto.
Nang panahong iyon, may ilang taga-Babilonia na lumapit sa hari at pinaratangan nila ang mga Judio. Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Nawaʼy humaba pa ang inyong buhay, Mahal na Hari! Hindi baʼt nag-utos po kayo na ang sinumang makarinig ng tunog ng mga instrumento ay dapat lumuhod at sumamba sa gintong rebulto, at ang hindi sasamba ay itatapon sa naglalagablab na hurno? Ngunit may ilang mga Judiong hindi sumusunod sa inyong utos. Sila po ay sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Sila ang mga taong pinamamahala ninyo sa lalawigan ng Babilonia. Hindi nila iginagalang ang inyong mga dios, at hindi sila sumasamba sa gintong rebulto na ipinatayo ninyo.”
Nang marinig iyon ng hari, nagalit siya nang husto. Kaya ipinatawag niya sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Nang dumating sila, tinanong sila ng hari, “Totoo bang hindi ninyo iginagalang ang aking mga dios at hindi kayo sumasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ko? Ngayon, inuutusan ko kayong sumamba sa rebulto kapag narinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Dahil kung hindi, ipapatapon ko kayo sa naglalagablab na hurno. Tingnan natin kung may dios na makakapagligtas sa inyo.”
Sumagot silang tatlo, “Mahal na Hari, wala po kaming masasabi tungkol diyan. Kung talaga pong ganyan ang mangyayari, ililigtas kami ng Dios na aming pinaglilingkuran mula sa naglalagablab na hurno. Ililigtas niya kami mula sa inyong mga kamay. Pero kung hindi man niya kami iligtas, gusto naming malaman mo na hindi pa rin kami maglilingkod sa iyong mga dios o sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ninyo.”
Dahil sa sagot nilang iyon, lalo pang nagalit ang hari sa kanila, at kitang-kita ito sa kanyang mukha. Kaya iniutos niyang painitin pa ang hurno ng pitong ulit. Pagkatapos ay inutusan niya ang kanyang pinakamalalakas na sundalo na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego, at itapon sa naglalagablab na hurno. Kaya iginapos sila ng mga sundalo at itinapon sa hurno na hindi na inalis ang kanilang mga damit. Dahil sa pinainit pang lalo ng hari ang hurno, namatay ang mga sundalong nagtapon sa kanila dahil sa lagablab ng apoy. At silang tatlo na nakagapos ay bumagsak sa naglalagablab na hurno.
Habang nakatingin si Haring Nebucadnezar bigla siyang tumayo sa laki ng kanyang pagkamangha. Tinanong niya ang kanyang mga opisyal, “Hindi baʼt tatlo lang ang itinapon sa apoy?” Sumagot sila, “Opo, Mahal na Hari.”
Sinabi ng hari, “Tingnan ninyo! Apat na ang nakikita kong palakad-lakad sa gitna ng apoy. Hindi na sila nakagapos at hindi sila nasusunog. At ang isa sa kanila ay parang dios.”
Kaya lumapit si Nebucadnezar sa pintuan ng naglalagablab na hurno at tinawag sila, “Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Dios, lumabas kayo riyan. Halikayo rito.” At lumabas silang tatlo mula sa hurno.
Pagkatapos, nagtipon sa kanila ang mga gobernador, mayor, komisyoner, at ang iba pang mga opisyal ng hari. At nakita nilang hindi man lang sila napinsala ng apoy, ni hindi nag-amoy usok ang kanilang buhok o damit.
Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Dios nina Shadrac, Meshac, at Abednego. Nagsugo siya ng kanyang anghel para iligtas ang kanyang mga lingkod na nagtitiwala sa kanya. Hindi nila sinunod ang aking utos; minabuti pa nilang mapatapon sa apoy kaysa sumamba sa alinmang dios maliban sa kanilang Dios. Kaya iniuutos ko na ang sinumang tao sa alinmang bansa, lahi, o wika na magsasalita ng masama laban sa Dios nina Shadrac, Meshac, at Abednego ay pagpuputol-putulin ang katawan at wawasakin ang kanilang mga bahay. Sapagkat walang dios na makapagliligtas katulad ng kanilang Dios.”
At binigyan ng hari sina Shadrac, Meshac at Abednego ng mas mataas pang tungkulin sa lalawigan ng Babilonia.