Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Daniel 8:1-13

Daniel 8:1-13 ASD

Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belshazar, akong si Daniel ay muling nagkaroon ng pangitain. Sa pangitain ko, nakita kong nakatayo ako sa pampang ng Ilog ng Ulai, sa tanggulan ng Susa sa lalawigan ng Elam. May nakita akong barakong tupa na nakatayo sa tabi ng ilog. Mayroon itong dalawang mahahabang sungay, pero mas mahaba ang isang sungay nito kaysa sa isa kahit na huli itong tumubo. Nakita kong nanunuwag ang barakong tupa papunta sa kanluran at sa hilaga at sa timog. Walang ibang hayop na makapigil sa kanya at wala ring makatakas sa kanya. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging makapangyarihan siya. Habang itoʼy tinitingnan ko, biglang dumating ang isang kambing mula sa kanluran. Umikot ito sa buong mundo na hindi sumasayad ang paa sa lupa sa sobrang bilis. Mayroon siyang kakaibang sungay sa gitna ng kanyang mga mata. Sinugod niya nang buong lakas ang tupang may dalawang sungay na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. Sa matinding galit, hindi niya tinigilan ng pagsuwag ang tupa hanggang sa naputol ang dalawang sungay nito. Hindi na makalaban ang tupa, kaya nabuwal ito at tinapak-tapakan ng kambing. Walang sumaklolo sa kanya. Naging makapangyarihan pa ang kambing. Ngunit nang nasa sukdulan na ang kapangyarihan niya, nabali ang kanyang sungay. Kapalit nito ay may tumubong apat na pambihirang sungay na nakatutok sa apat na direksyon ng mundo. Ang isa sa kanila ay tinubuan ng isang maliit na sungay. Naging makapangyarihan itong sungay sa timog at sa silangan hanggang sa magandang lupain ng Israel. Lalo pa itong naging makapangyarihan hanggang sa naabot nito ang langit, at pinabagsak nito sa lupa ang ilang mga bituin at saka tinapak-tapakan. Itinuring niya ang kanyang sarili na higit na makapangyarihan kaysa sa Pinuno ng mga nilalang sa langit. Pinatigil niya ang araw-araw na paghahandog sa templo ng Diyos, at nilapastangan niya ang templo. Dahil sa pagsuway ng mga mamamayan ng Panginoon, ipinasakop sila sa kanya pati ang mga nilalang sa langit at ang araw-araw na paghahandog. Binalewala niya ang katotohanan, at nagtagumpay siya sa kanyang mga ginawa. Narinig kong nag-uusap ang dalawang anghel. Ang isang anghel ay nagtatanong sa isa, “Hanggang kailan kaya tatagal ang mga pangyayaring ito na nasa pangitain? Ang pagpapatigil sa araw-araw na paghahandog, ang paglapastangan sa templo na magiging dahilan upang pabayaan ito, at ang pagyurak sa mga nilalang sa langit?”