Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Daniel 9:20-27

Daniel 9:20-27 ASD

Habang akoʼy nagsasalita at nananalangin at ipinapahayag ang aking kasalanan at ang kasalanan ng aking mga kababayang Israelita. Nagmakaawa ako sa Panginoon kong Diyos alang-alang sa kanyang banal na bundok. At habang nananalangin ako, mabilis na lumipad papunta sa akin si Gabriel na nakita ko noon sa aking pangitain. Oras iyon ng panghapong paghahandog. Pinaunawa niya sa akin at sinabi, “Daniel, naparito ako upang ipaliwanag sa iyo ang tungkol sa pangitain. Sa simula pa lamang ng iyong panalangin ay may ipinahayag na ang Diyos, kung kayaʼt akoʼy pumarito para sabihin sa iyo, dahil mahal ka ng Diyos. Kaya makinig ka at unawain ang sasabihin ko sa iyo. “Isang yugto ng pitumpung pito ang itinakda ng Diyos sa banal na lungsod at sa mga kababayan mo upang tigilan nila ang pagrerebelde sa Diyos, upang mapatawad ang kanilang kasalanan, upang mapairal ng Diyos ang walang hanggang katuwiran, upang matupad ang pangitain at propesiya, at upang maihandog na muli ang Pinakabanal na Lugar. “Dapat mong malaman at maintindihan na mula sa panahong iniutos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Diyos ay lilipas muna ang apatnapuʼt siyam na taon. At sa loob ng 434 na taon ay muling itatayo ang Jerusalem na may mga plasa at tanggulan. Magiging magulo sa panahong iyon. Pagkatapos ng 434 na taon, papatayin ang pinunong hinirang ng Diyos at walang tutulong sa kanya. Darating ang isang hari at sisirain ng mga tauhan niya ang bayan at ang templo. At ayon sa itinakda ng Diyos, ang pagwasak at digmaan ay magpapatuloy hanggang sa katapusan. Ang katapusan ay darating na parang baha. Ang haring iyon ay gagawa ng matibay na kasunduan sa napakaraming tao sa loob ng pitong taon. Ngunit pagkatapos ng tatloʼt kalahating taon, patitigilin niya ang mga paghahandog at ilalagay niya ang kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pagpapabaya sa Templo. Mananatili ito roon hanggang sa dumating ang katapusan ng hari na itinakda ng Diyos.”