Ester 1:4-22
Ester 1:4-22 ASD
Ang piging iyon ay tumagal ng anim na buwan. At sa loob ng mga panahong iyon, ipinakita ni Asuero ang kayamanan ng kaharian niya, ang kanyang kapangyarihan, at ang karangyaan ng kanyang pamumuhay. Pagkatapos noon, naghanda rin ang hari para sa lahat ng mga taga-Susa, mayaman man o dukha. Ang handaang iyon ay ginanap sa hardin ng palasyo ng hari, at tumagal ng isang linggo. Naglagay sila ng kurtinang puti at asul na tinalian ng panaling gawa sa telang lino na kulay ube. At ikinabit sa mga argolya na pilak sa mga haliging marmol. Ang mga upuan ay yari sa ginto at pilak. Ang sahig naman nito ay may disenyong yari sa kristal, marmol, nakar, at iba pang mamahaling bato. Pati ang mga kopang iniinuman ng mga panauhin ay yari sa gintong ibaʼt iba ang hugis at disenyo. Maraming mamahaling alak ang inihain angkop sa kasaganaan ng hari. Sa utos ng hari, hindi hinigpitan ang pag-iinom, sapagkat sinabihan ng hari ang mga alipin niyang pagsilbihan ang lahat hanggaʼt gusto nila. Habang nagdaraos ng piging ang hari para sa mga kalalakihan, nagdaraos din ng handaan si Reyna Vasti para sa mga kababaihan sa palasyo ni Haring Asuero. At sa ikapitong araw ng pagdiriwang, masayang-masaya ang hari dahil sa labis na nainom. Ipinatawag niya sina Mehuman, Bizta, Harbona, Bigta, Abagta, Zetar at Carcas, ang kanyang pitong eunukong nag-aasikaso sa kanya. Ipinasundo niya si Reyna Vasti sa kanila. Ipinasabi niyang isuot ng reyna ang kanyang korona para ipakita ang kagandahan niya sa mga pinuno at mga panauhin, dahil talagang maganda ito. Pero nang masabi ng mga lingkod sa reyna ang gusto ng hari, sinabi nitong ayaw niyang pumunta roon. Kaya lubhang nagalit ang hari sa kanya. Humingi siya ng payo sa mga pantas, sapagkat nasa patakaran ng haring sumangguni sa mga nakakaalam ng mga kautusan at batas ng kaharian. Ang palagi niyang hinihingan ng payo ay sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena at Memucan. Sila ang pitong pinakamataas na pinuno sa kaharian ng Persia at Media, at malapit sila sa hari. Nagtanong ang hari sa kanila, “Ayon sa kautusan, ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil hindi niya sinunod ang utos ng hari na ipinaabot ng kanyang mga eunuko?” Sumagot si Memucan, “Mahal na Hari, nagkasala po si Reyna Vasti hindi lang sa inyo, kundi pati na rin sa mga pinuno ng kaharian ng Persia at Media at sa mga mamamayan ng buong kaharian. Ang ginawa ni Reyna Vasti ay tiyak na malalaman ng lahat ng kababaihan sa buong kaharian at gagayahin din nila iyon. Hindi rin sila susunod sa mga asawa nila, at sa halip ay mangangatwiran, ‘Si Reyna Vasti nga ay hindi sumunod noong pinapupunta siya ng hari doon sa kanya.’ Kaya simula ngayon, maaaring ito rin ang gawin ng mga asawa ng mga pinuno ng Persia at Media, na makakabalita sa ginawa ng reyna. Kaya ang mangyayari, hindi na igagalang ng mga asawang babae ang kanilang mga asawang lalaki, at magagalit ang mga ito sa kanila. “Kaya kung inyong mamarapatin, Mahal na Hari, iminumungkahi naming magpalabas kayo ng isang kautusan at maisusulat ito bilang batas ng Persia at Media na hindi na mababago. Isasaad dito na hindi na maaaring humarap pa sa inyo si Vasti, at papalitan ninyo siya ng reynang higit na karapat-dapat kaysa sa kanya. At kapag naipahayag na ito sa buong kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang mga asawa nila mula sa pinakadakila hanggang sa pinakaaba.” Nagustuhan ng hari at ng mga pinuno ang payo ni Memucan, kaya sinunod niya ito. Nagpadala siya ng mga sulat sa lahat ng lalawigang nasasakupan ng kaharian niya ayon sa kani-kanilang wika. Sinasabi sa sulat na ang lalaki ang siyang dapat mamuno sa sambahayan niya.


