Ester 2:16-23
Ester 2:16-23 ASD
Dinala siya kay Haring Asuero sa palasyo nito sa ikasampung buwan, na buwan ng Tibet, at sa ikapitong taon ng kanyang paghahari. Nagustuhan ng hari si Ester nang higit kaysa sa ibang mga dalaga. Tuwang-tuwa siya kay Ester, at mabuti ang trato niya sa kanya. Kinoronahan niya ito at ginawang reyna bilang kapalit ni Vasti. Nagdaos ang hari ng malaking piging para parangalan si Ester. Inanyayahan niya ang lahat ng pinuno niya at ang iba pang naglilingkod sa kanya. Nang araw na iyon, ipinag-utos niya sa buong kaharian na magdiwang ng isang pista opisyal, at nagbigay siya ng maraming regalo sa mga tao. Sa pangalawang pagtitipon ng mga dalaga, si Mordecai ay nakapuwesto na sa pintuan ng palasyo bilang isang opisyal. Hindi pa rin sinasabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya kabilang tulad ng bilin ni Mordecai. Sinusunod pa rin ni Ester si Mordecai katulad noon, nang siyaʼy nasa pangangalaga pa nito. Sa panahong si Mordecai ay nakapuwesto sa pintuan ng palasyo, may dalawang eunuko ng hari na nagngangalang Bigtan at Teres. Sila ang mga guwardiya ng pintuan ng kuwarto niya. Nagalit sila kay Haring Asuero, at nagplano silang patayin ito. Pero nalaman ni Mordecai ang planong ito, kaya sinabi niya ito kay Reyna Ester. Sinabi naman ito ni Ester sa hari at ipinaalam din niya sa kanya na si Mordecai ang nakatuklas sa planong pagpatay. Ipinasiyasat ito ng hari. At nang mapatunayang totoo ito, ipinatuhog niya sina Bigtan at Teres sa nakatayong matulis na kahoy. At ang pangyayaring itoʼy ipinasulat ng hari sa Aklat ng Kasaysayan ng kaharian.


