Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ester 2:4-15

Ester 2:4-15 ASD

At ang dalaga pong magugustuhan ninyo ang siyang ipapalit ninyo kay Vasti bilang reyna.” Nagustuhan ng hari ang payong ito kaya sinunod niya. Nang panahong iyon, may isang Hudyong nakatira sa lungsod ng Susa. Ang pangalan niyaʼy Mordecai na anak ni Jair, na apo ni Simei, na anak ni Kis, na kabilang sa lahi ni Benjamin. Isa siya sa mga bihag ni Haring Nebucadnezar na dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda. Si Mordecai ay may pinsang dalaga. Nang itoʼy maulila, inalagaan niya ito, pinalaki at itinuring na parang sarili niyang anak. Ang pangalan niya ay Hadasa na tinatawag ding Ester. Maganda si Ester at maganda rin ang hubog ng katawan nito. Nang maihayag ang utos ng hari, maraming dalaga ang dinala sa palasyo ng hari roon sa Susa. Ang isa sa kanila ay si Ester. Ipinaasikaso sila kay Hegai dahil ito nga ang nangangasiwa sa mga babaeng dinadala roon. Tuwang-tuwa si Hegai kay Ester, kaya mabuti ang pakikitungo niya rito. Agad niyang binigyan si Ester ng mga pampaganda at ng espesyal na pagkain. Binigyan niya rin ito ng pitong piling katulong na babae na galing sa palasyo, at inilipat sa pinakamagandang kuwarto kasama sila. Hindi sinabi ni Ester kung anong lahi o sambahayan siya kabilang dahil pinagbilinan siya ni Mordecai na huwag itong sasabihin. Araw-araw namang dumaraan si Mordecai malapit sa bakuran ng bahay na tinitirhan ng mga dalaga para malaman ang kalagayan ni Ester at kung ano na ang mga nangyayari sa kanya. Bago humarap ang isang babae kay Haring Asuero, kinakailangang matapos niya ang isang taon ng pagpapaganda. Sa unang anim na buwan, magpapahid siya ng langis ng mira sa katawan, at sa susunod na anim na buwan, magpapahid naman ng mga pabango at iba pang pampaganda. At bago siya pumunta sa hari, bibigyan siya ng anumang damit at alahas na gusto niyang isuot para sa pagharap sa hari. Pupunta siya sa hari pagsapit ng gabi at kinabukasan, dadalhin siya sa tirahan ng mga asawa ng hari na pinamamahalaan ni Saasgaz na isa sa mga pinunong mataas ang katungkulan. Siya ang namamahala sa mga asawa ng hari. Walang sinuman sa kanila ang makakabalik sa hari maliban lang kung magustuhan siya at ipatawag ng hari. Nang dumating ang araw na si Ester (anak ni Abihail na tiyuhin ni Mordecai, na umampon sa kanya) ang haharap sa hari, wala siyang hiniling na iba maliban sa ipinayo ni Hegai, ang eunukong nangangasiwa sa mga babae. Ganoon na lang ang paghanga at pagpuri ng mga nakakita sa kanya.