Ester 4:3-17
Ester 4:3-17 ASD
Ang mga Hudyo sa bawat lalawigan na nakarinig sa utos ng hari ay nagsipag-ayuno, nag-iyakan nang napakalakas, at nanaghoy. Marami sa kanila ang nagsuot ng sako at humiga sa abo. Nang malaman ni Reyna Ester ang tungkol kay Mordecai sa pamamagitan ng mga alipin niyang babae at mga pinunong nangangalaga sa kanya, labis siyang nabagabag. Pinadalhan niya ng damit si Mordecai para palitan ang kanyang suot na sako, pero hindi niya ito tinanggap. Kaya ipinatawag ni Ester si Hatac. Isa siya sa mga pinuno ng hari na itinalagang mag-asikaso sa kanya. Pinapunta niya si Hatac kay Mordecai para alamin ang kung ano ang dahilan ng kanyang pagdadalamhati. Kaya pinuntahan naman ni Hatac si Mordecai sa plasa ng lungsod na nasa harap ng pintuan ng palasyo. Sinabi sa kanya ni Mordecai ang lahat ng nangyari at kung magkano ang ipinangako ni Haman na ibibigay sa taguan ng kayamanan ng kaharian para patayin ang lahat ng Hudyo. Binigyan din siya ni Mordecai ng kopya ng kautusan ng hari na ipinamalita sa mga taga-Susa, at nagsasaad ng paglipol sa mga Hudyo. Sinabihan niya si Hatac na ipakita ito kay Ester at ipaliwanag sa kanya ang lahat ng nangyari, at pakiusapan ito na pumunta sa hari upang magmakaawa para sa kanyang mga kalahi. Bumalik si Hatac kay Ester at sinabi ang lahat ng sinabi ni Mordecai. Pinabalik muli ni Ester si Hatac kay Mordecai at ipinasabi ang ganito: “Alam ng lahat sa buong kaharian na ang sinumang lalapit sa hari sa loob ng kanyang bulwagan, lalaki man o babae na hindi ipinapatawag ay papatayin, maliban na lang kung iaabot ng hari ang kanyang gintong setro sa taong ito. At isang buwan na akong hindi ipinapatawag ng hari.” Pagkatapos na masabi kay Mordecai ang ipinapasabi ni Ester, ito naman ang tugon niya kay Ester: “Huwag mong isiping ikaw lang sa lahat ng Hudyo ang makakaligtas dahil sa palasyo ka nakatira. Sapagkat kahit na manahimik ka sa panahong ito, may ibang tutulong at magliligtas sa mga Hudyo, pero ikaw at ang mga kamag-anak mo ay mamamatay. Baka nga kaya ka ginawang reyna ay para mailigtas mo ang kapwa mo mga Hudyo.” Ito naman ang ipinasabi ni Ester kay Mordecai, “Humayo ka, tipunin mo ang lahat ng Hudyo na nandito sa Susa at mag-ayuno kayo para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom sa loob ng tatlong araw. Ako at ang mga alipin kong babae ay mag-aayuno rin. At pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit na labag sa batas. At kung papatayin man ako, handa akong mamatay.” Umalis nga si Mordecai at ginawa ang ipinapagawa ni Ester.


