Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ester 7:1-10

Ester 7:1-10 ASD

Dumalo sina Haring Asuero at Haman sa inihandang hapunan ni Reyna Ester. At habang umiinom sila ng alak, tinanong muli ng hari si Reyna Ester, “Ano ba talaga ang kahilingan mo? Sabihin mo na at ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng kaharian ko.” Sumagot si Reyna Ester, “Mahal na Hari, kung kalugod-lugod po ako sa inyo, iligtas po ninyo ako at ang aking mga kalahing Hudyo. Ito po ang kahilingan ko sa inyo. Sapagkat may gantimpalang ipinangako sa mga taong lilipol sa amin. Kung ipinagbili lang po kami para maging alipin, makakaya ko pong manahimik na lamang dahil hindi naman iyon mahalaga para gambalain ko pa kayo.” Sinabi ni Haring Asuero, “Sino ang nangahas na gumawa ng bagay na iyon at nasaan siya ngayon?” Sumagot si Ester, “Ang kumakalaban po sa amin at ang kaaway namin ay ang masamang si Haman.” Takot na takot si Haman habang nasa harap ng hari at ng reyna. Galit na galit na tumayo ang hari. Iniwan niya ang kanyang iniinom at pumunta sa hardin ng palasyo. Naiwan si Haman na nagmamakaawa kay Reyna Ester dahil natitiyak niyang parurusahan siya ng hari. Pagbalik ng hari mula sa hardin, nakita niyang nakadapa si Haman na nagmamakaawa sa harap ng hinihigaan ni Ester. Kaya sinabi ng hari, “At gusto mo pang pagsamantalahan ang reyna dito sa loob ng aking palasyo!” Pagkasabi niyon ng hari, dinakip ng mga naroon si Haman at tinalukbungan ang ulo nito. Sinabi ni Harbona, na isa sa mga lingkod ng hari, “Nagpagawa po si Haman ng matulis na kahoy para tuhugin si Mordecai, na nagligtas sa inyong buhay. Ang taas po ng kahoy ay pitumpuʼt limang talampakan at malapit ito sa bahay ni Haman.” Kaya nag-utos ang hari, “Doon ninyo siya tuhugin!” At tinuhog nga nila si Haman doon sa ipinagawa niyang matulis na kahoy para kay Mordecai. At humupa ang galit ng hari.