Exodus 10:10-29
Exodus 10:10-29 ASD
Sinabi ng Faraon, “Sanaʼy samahan kayo ng Panginoon kung papayagan kong umalis kayo kasama ang inyong mga asawaʼt anak! Malinaw na may masama kayong intensyon. Hindi ako papayag! Ang mga lalaki lang ang aalis na sumamba sa Panginoon kung iyan ang gusto ninyo.” At pinalayas sina Moises at Aaron sa harapan ng Faraon. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong tungkod sa Ehipto upang dumating ang mga balang, at kainin ng mga ito ang mga naiwang pananim na hindi nasira nang umulan ng yelo.” Kaya itinaas ni Moises ang kanyang tungkod sa lupain ng Ehipto, at nagpadala ang Panginoon ng hangin mula sa silangan buong araw at gabi. Kinaumagahan, nagdala ang hangin ng napakaraming balang at dumagsa ito sa buong Ehipto. Hindi pa kailanman nagkaroon ng pagsalakay ng mga balang tulad nito sa buong Ehipto at hindi na magkakaroon pang muli. Dumagsa ang mga ito sa buong Ehipto hanggang sa mangitim ang lupa. Kinain ang mga naiwang pananim na hindi nasira ng mga yelo, pati ang lahat ng bunga ng mga puno. Walang naiwang pananim sa buong Ehipto. Agad na ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Nagkasala ako sa Panginoon na inyong Diyos at sa inyo. Patawarin nʼyo akong muli, at manalangin kayo sa Panginoon inyong Diyos na tanggalin niya sa akin ang nakakamatay na salot na ito.” Umalis si Moises at nanalangin sa Panginoon. Sumagot ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng malakas na hangin galing sa kanluran, at inilipad nito ang mga balang sa Dagat na Pula. At wala ni isang balang na naiwan sa Ehipto. Ngunit pinatigas pa rin ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya pinaalis ang mga Israelita. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa langit upang mabalot ng kadiliman ang buong Ehipto.” Kaya itinaas ni Moises ang kamay niya sa langit, at nagdilim sa buong Ehipto sa loob ng tatlong araw. Walang lumabas na mga Ehipsiyo sa kani-kanilang bahay dahil hindi nila makita ang isaʼt isa. Ngunit may liwanag sa lugar na tinitirhan ng lahat ng mga Israelita. Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Humayo kayo, sumamba na kayo sa Panginoon. Dalhin ninyo pati na ang inyong pamilya, pero iwan ninyo ang mga hayop.” Ngunit sumagot si Moises, “Kailangan naming dalhin ang mga hayop namin upang makapag-alay kami ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon naming Diyos. Dadalhin namin ang mga hayop namin; walang maiiwan kahit isa sa kanila. Sapagkat hindi namin alam kung anong hayop ang ihahandog namin sa Panginoon. Malalaman lang namin ito kapag naroon na kami.” Ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya sila pinaalis. Sinabi ng Faraon kay Moises, “Umalis ka sa harapan ko! Huwag ka na ulit magpapakita sa akin, dahil kung makikita pa kita, ipapapatay kita.” Sumagot si Moises, “Kung iyan ang gusto mo, hindi na ako muling magpapakita sa iyo.”

