Exodus 14:10-31
Exodus 14:10-31 ASD
Nang papalapit na ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, nakita sila ng mga Israelita. Kaya lubha silang natakot at humingi ng tulong sa Panginoon. Sinabi nila kay Moises, “Bakit dito mo pa kami dinala sa disyerto upang mamatay? Wala bang libingan doon sa Ehipto? Bakit mo pa kami pinalabas sa Ehipto? Hindi baʼt sinabi namin sa iyo sa Ehipto na pabayaan mo na lang kaming magpaalipin sa mga Ehipsiyo? Mas mabuti pang nanilbihan na lang kami sa mga Ehipsiyo kaysa sa mamatay dito sa disyerto!” Sumagot si Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot. Magpakatatag kayo at makikita ninyo ang pagliligtas ng Panginoon sa inyo sa araw na ito. Ang mga Ehipsiyong nakikita ninyo ngayon ay hindi na ninyo makikita pang muli. Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.” Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit patuloy ka pa ring humihingi ng tulong sa akin? Sabihin mo sa mga Israelita na magpatuloy sila sa paglalakbay. Pagkatapos, itaas mo ang iyong tungkod sa dagat upang mahati ang tubig at makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa. Patitigasin ko ang puso ng mga Ehipsiyo upang habulin nila kayo. Ngunit lilipulin ko ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, mangangabayo at mga karwahe. Sa pamamagitan nito, mapaparangalan ako. At kapag nalipol ko na sila, malalaman ng mga Ehipsiyo na ako ang Panginoon.” Pagkatapos, lumipat sa hulihan ang anghel ng Diyos na nangunguna sa mamamayan ng Israel, ganoon din ang makapal na ulap. Tumigil ito sa gitna ng mga Israelita at mga Ehipsiyo. Sa buong gabi, nagbigay ng liwanag ang ulap sa mga Israelita at nagbigay ng kadiliman sa mga Ehipsiyo. Kaya lumipas ang gabi na hindi nakalapit ang mga Ehipsiyo sa mga Israelita. Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kanyang kamay sa dagat, at nahati ang dagat sa pamamagitan ng malakas na hangin na ipinadala ng Panginoon mula sa silangan. Buong gabing umihip ang hangin hanggang ang gitna ng dagat ay naging tuyong lupa. At tumawid ang mga Israelita sa tuyong lupa, na ang tubig ay parang pader sa magkabilang gilid. Hinabol sila ng mga sundalo ng Ehipto kasama ang kanilang mga mangangabayo, mga karwahe at mga kabayo. Nang mag-uumaga na, tiningnan ng Panginoon ang mga sundalo ng Ehipto mula sa makapal na ulap at naglalagablab na apoy, at nilito niya sila. Tinanggal niya ang mga gulong ng mga karwahe nila upang mahirapan silang patakbuhin ito. Sinabi ng mga Ehipsiyo, “Umatras na lang tayo sa mga Israelita, dahil ang Panginoon ang lumalaban sa atin para sa kanila.” Nang nakatawid na ang mga Israelita, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa dagat upang bumalik ang tubig at matabunan ang mga Ehipsiyo at ang karwahe nila at mga mangangabayo.” Kaya itinaas ni Moises ang kanyang kamay sa dagat, at nang sumisikat na ang araw, bumalik ang tubig sa dati nitong lugar. Tinangkang tumakas ng mga Ehipsiyo pero ipinaanod sila ng Panginoon sa dagat. Tinabunan ng tubig ang lahat ng sundalo ng Faraon na humabol sa mga Israelita pati na ang kanilang mga mangangabayo at karwahe. Wala ni isa mang nakaligtas sa kanila. Ngunit ang mga Israelitaʼy dumaan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat, na parang pader ang tubig sa magkabilang gilid. Sa araw na iyon, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa kamay ng mga Ehipsiyo. At nakita ng mga Israelita ang mga bangkay ng mga Ehipsiyo na nakahandusay sa dalampasigan. Nakita ng mga Israelita ang dakilang kapangyarihan ng Panginoon na ginamit niya laban sa mga Ehipsiyo. At dahil dito, iginalang nila ang Panginoonat siyaʼy pinagtiwalaan nila at ang lingkod niyang si Moises.

