Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Exodus 20:1-17

Exodus 20:1-17 ASD

Sinabi ng Panginoon: “Ako ang Panginoon na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto kung saan kayo inalipin. “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos maliban sa akin. Huwag kayong gagawa ng imahen ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig, para gawing diyos-diyosan ninyo. Huwag ninyong paglilingkuran o sasambahin ang mga ito, dahil ako ang Panginoon na inyong Diyos ay mapanibughuin. Pinaparusahan ko ang mga nagkakasala sa akin, pati na ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin. Ngunit ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyon na nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko. Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Diyos, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan. Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin. Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, ngunit ang ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga ay ilaan ninyo para sa akin, ang Panginoon na inyong Diyos. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na ito, pati ang inyong mga anak, mga alipin, mga hayop, o ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. Dahil sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit, ang lupa, ang dagat at ang lahat ng narito, pero nagpahinga ako sa ikapitong araw. Kaya pinagpala ko ang Araw ng Pamamahinga at ginawa itong natatanging araw para sa akin. Igalang mo ang iyong amaʼt ina upang mabuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon na iyong Diyos. Huwag kang papatay. Huwag kang mangangalunya. Huwag kang magnanakaw. Huwag kang sasaksi nang hindi totoo laban sa iyong kapwa. Huwag mong pagnasahan ang bahay ng iyong kapwa, o ang kanyang asawa, mga aliping lalaki o babae, mga baka, asno, o anumang pag-aari niya.”