Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Exodus 32:1-25

Exodus 32:1-25 ASD

Nang mapansin ng mga tao na masyado nang matagal si Moises sa bundok at wariʼy matagal pa ang pagbabalik, lumapit sila kay Aaron at sinabi, “Igawa mo kami ng diyos na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Ehipto.” Sumagot si Aaron, “Kunin nʼyo ang mga hikaw na ginto na suot ng mga asawaʼt anak ninyo, at dalhin ninyo sa akin.” Kaya kinuha nilang lahat ang gintong mga hikaw at dinala ito kay Aaron. Tinipon ni Aaron ang mga ito, tinunaw at hinugis na diyos-diyosang kaanyo ng guya. Sinabi ng mga Israelita, “Ito ang diyos natin na naglabas sa atin sa Ehipto.” Pagkakita ni Aaron na sumaya ang mga tao, nagpagawa siya ng altar sa harap ng baka at ipinaalam sa kanila, “Bukas, magdaraos tayo ng pista para sa karangalan ng Panginoon.” Kaya kinaumagahan, maagang bumangon ang mga tao at nag-alay ng mga handog na sinusunog at handog pangkapayapaan. Pagkatapos, umupo sila upang kumain at uminom, at tumayo upang magpakasaya. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka na dahil nagpapakasama ang mga kababayan mo na inilabas mo sa Ehipto. Napakadali nilang tumalikod sa mga itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng diyos-diyosang baka at sinamba nila ito. Naghandog ang mga Israelita sa diyos-diyosang ito at sinabi, ‘Ito ang diyos natin na naglabas sa atin sa Ehipto.’ ” At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga taong ito. Kaya pabayaan mong lipulin ko sila nang matindi kong galit. Sa halip, ikaw at ang iyong angkan ay gagawin kong isang dakilang bansa.” Ngunit nagmakaawa si Moises sa Panginoon na kanyang Diyos, “O Panginoon, bakit po ninyo ipapalasap ang galit nʼyo sa inyong mga mamamayang inilabas ninyo sa Ehipto sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan? Ano na lang po ang sasabihin ng mga Ehipsiyo, na kinuha po ninyo ang inyong mga mamamayan sa Ehipto para lang patayin sila sa kabundukan at lipulin sa balat ng lupa? O, Panginoon, huwag po ninyong ituloy ang matinding galit ninyo. Maghunos-dili po kayo, at huwag ninyo silang parusahan. Alalahanin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa inyong lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob na pararamihin ninyo ang lahi nila na kasindami ng bituin sa langit, at ibibigay ninyo sa lahi nila ang lahat ng lupaing ipinangako ninyo sa kanila, at magiging kanila ito magpakailanman.” Kaya hindi na itinuloy ng Panginoon ang plano niyang pagpatay sa kanyang mga mamamayan. Bumaba si Moises ng bundok na dala ang dalawang malalapad na batong kinasusulatan ng mga utos ng Diyos. Nakasulat ang mga utos sa harap at likod ng bato. Ang Diyos mismo ang gumawa ng dalawang malalapad na bato at ng mga nakaukit na salitang nakasulat dito. Nang marinig ni Josue ang kaguluhan ng mga tao, sinabi niya kay Moises, “Parang may ingay ng digmaan sa kampo.” Sumagot si Moises, “Hindi ingay ng digmaan ang naririnig ko kundi ingay ng mga awitan.” Nang malapit na si Moises sa kampo, nakita niya ang guya at sayawan, kaya nag-apoy ang galit niya. Inihagis niya ang malalapad na batong dala niya, at nabasag ang mga ito sa paanan ng bundok. Pagkatapos, kinuha niya ang guya na ginawa nila at sinunog ito. Dinurog niya ito nang pinong-pino at inihalo sa tubig, at ipinainom sa mga mamamayan ng Israel. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ano ba ang ginawa ng mga tao sa iyo at pinabayaan mo silang magkasala?” Sumagot si Aaron, “Huwag po kayong magalit sa akin. Alam nʼyo kung gaano sila kadaling gumawa ng kasamaan. Sinabi nila sa akin, ‘Igawa mo kami ng diyos na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Ehipto.’ Kaya sinabi ko sa kanila na dalhin nila sa akin ang mga alahas nilang ginto. Nang madala nila ito sa akin, inihagis ko ito sa apoy at mula roon, nabuo itong baka.” Nakita ni Moises na nagwawala ang mga tao at pinababayaan lang sila ni Aaron. Dahil dito, naging katawa-tawa sila sa mga kaaway nila sa palibot.