Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Genesis 12:1-12

Genesis 12:1-12 ASD

Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Lisanin mo ang iyong lupain, ang iyong mga kamag-anak maging ang sambahayan ng iyong ama, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.” “Gagawin kong isang malaking bansa ang lahi mo, at pagpapalain kita. Gagawin kong tanyag ang pangalan mo, at marami ang pagpapalain dahil sa iyo. Pagpapalain ko ang mga magpapala saʼyo. Ngunit isusumpa ko naman ang mga susumpa sa iyo. Sa pamamagitan moʼy pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.” Kaya umalis si Abram ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya, at sumáma si Lot sa kanya. Si Abram ay pitumpuʼt limang taóng gulang na noong umalis siya roon. Kasama niya ang asawa niyang si Sarai, ang pamangkin niyang si Lot, at ang lahat ng mga ari-ariang naipon nila pati ang mga aliping nakuha nila sa Haran. Umalis sila patungo sa lupain ng Canaan at dumating sila roon. Nagpatuloy sila hanggang sa nakarating sa malaking puno ng Moreh doon sa Shekem. Nang panahong iyon, naroon pa ang mga Cananeo. Pagkatapos, nagpakita ang Panginoon kay Abram at sinabi sa kanya, “Ang lupaing ito ay ibibigay ko sa mga lahi mo.” Kaya gumawa ng altar si Abram para sa Panginoon. Mula roon, lumipat sila sa bundok na nasa silangan ng Betel, at doon sila nagtayo ng tolda, sa pagitan ng Betel at Ai. Ang Betel ay nasa kanluran at ang Ai naman ay nasa silangan. Gumawa rin doon si Abram ng altar para sa Panginoon kung saan niya sinamba ang Panginoon. Hindi nagtagal, muli silang lumipat. Nagpatuloy sila sa paglalakbay papunta sa Negeb. Noong panahong iyon nagkaroon ng matinding taggutom sa Canaan, kaya pumunta si Abram sa Ehipto upang doon muna manirahan. Nang paparating na sila sa Ehipto, sinabi ni Abram sa kanyang asawa, “Sarai, maganda kang babae. Kapag nakita ka ng mga Ehipsiyo, sasabihin nilang asawa kita, kaya papatayin nila ako upang makuha ka nila.