Genesis 18:9-33
Genesis 18:9-33 ASD
Ngayon, nagtanong ang mga panauhin kay Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?” Sumagot siya, “Naroon po sa loob ng tolda.” Ang isa sa mga panauhin ay nagsabi, “Tiyak na babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki ang asawa mong si Sara.” Nakikinig pala si Sara sa pintuan ng tolda na nasa likod lamang ni Abraham. (Matanda na silang dalawa ni Abraham at huminto na nga ang buwanang dalaw ni Sara.) Tumawa si Sara sa kanyang sarili at nag-isip-isip, “Sa katandaan kong ito, masisiyahan pa ba akong sumiping sa asawa ko, na matanda na rin, upang magkaanak kami?” Nagtanong agad ang Panginoon kay Abraham, “Bakit tumawa si Sara at sinasabi, ‘Magkakaanak pa ba ako ngayong matanda na ako?’ May bagay ba na hindi magagawa ng Panginoon? Tulad ng sinabi ko, babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.” Natakot si Sara, kaya nagsinungaling siya. Sinabi niya, “Hindi po ako tumawa!” Ngunit sinabi ng Panginoon, “Tumawa ka talaga.” Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki. Inihatid sila ni Abraham hanggang sa lugar kung saan nakikita nila sa ibaba ang lungsod ng Sodoma. Sinabi ng Panginoon, “Hindi ko dapat itago kay Abraham ang gagawin ko. Talagang magiging malaki at makapangyarihang bansa ang mga lahi niya sa hinaharap. At sa pamamagitan niya, makakatanggap ng pagpapala ang ibang mga bansa. Pinili ko siya upang ipatupad niya sa mga anak at mga lahi niya ang utos ko na gumawa sila ng tama at matuwid. Sa ganoong paraan, matutupad ang aking pangako sa kanya.” Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Napakarami na ng dumaraing laban sa Sodoma at Gomora, dahil sobrang-sobra na ang kanilang kasalanan. Kaya pupunta ako roon upang malaman ko kung totoo o hindi ang mga daing ng mga tao na dumating sa akin.” Umalis na ang dalawang lalaki papuntang Sodoma, ngunit nagpaiwan ang Panginoon kasama si Abraham. Lumapit si Abraham sa Panginoon at nagtanong, “Lilipulin nʼyo po ba ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. Kung mayroon po kayang limampung matuwid sa lungsod na iyan, lilipulin nʼyo pa rin po ba ang buong lungsod? Hindi nʼyo po ba kahahabagan ang lungsod alang-alang sa limampung taong matuwid? Hindi po kapani-paniwala na lilipulin ninyo ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. Hindi po maaaring pare-pareho ang pakikitungo nʼyo sa kanila. Kayo po na humahatol sa buong mundo, hindi po baʼt dapat gawin ninyo kung ano ang tama?” Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong limampung matuwid sa Sodoma, hindi ko lilipulin ang buong lungsod alang-alang sa kanila.” Muling nagsalita si Abraham, “O Panginoon, patawarin nʼyo po akong naglakas-loob na makipag-usap sa inyo. Tao lang po ako, at wala akong katuwiran na magsabi nito sa inyo. Ngunit kung mayroon po kayang apatnapuʼt limang matuwid, lilipulin nʼyo pa rin ba ang buong lungsod dahil kulang po ito ng lima?” Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong apatnapuʼt limang matuwid, hindi ko lilipulin ang lungsod.” Muling nagsalita si Abraham, “Kung apatnapu lang po kaya ang matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko lilipulin ang lungsod alang-alang lamang sa apatnapung matuwid.” Muling nagsalita si Abraham, “Huwag po sana kayong magalit sa akin, Panginoon, dahil magtatanong pa po ako. Ano po kaya kung may tatlumpu lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod kung may makita akong tatlumpung taong matuwid.” Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, patawarin nʼyo po ako sa paglalakas-loob ko na pakikipag-usap sa inyo. Ano po kaya kung may dalawampu lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa dalawampung matuwid.” Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, huwag po sana kayong magagalit; huling tanong na po ito. Halimbawa, sampu na lang po ang nakita ninyong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa sampung matuwid.” Pagkatapos nilang mag-usap, umalis ang Panginoonat si Abraham ay umuwi naman sa kanila.

