Genesis 19:1-5
Genesis 19:1-5 ASD
Magdidilim na nang dumating ang dalawang anghel sa Sodoma. Nakaupo noon si Lot sa pintuan ng lungsod. Pagkakita ni Lot sa kanila, tumayo siya at sinalubong sila. Pagkatapos, nagpatirapa siya sa harapan nila at nagsabing, “Kung maaari po, dumaan muna kayo sa bahay ko upang makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at dito na po kayo matulog ngayong gabi. At bukas na lang kayo ng umaga magpatuloy sa paglalakbay ninyo.” Ngunit sumagot sila, “Huwag na lang, doon na lang kami matutulog sa plasa ngayong gabi.” Ngunit pinilit sila ni Lot, kaya sumáma na lang sila sa bahay niya. Naghanda si Lot ng mga inumin at mga pagkain. Nagpaluto rin siya ng tinapay na walang pampaalsa. At nang maihanda na ang pagkain, naghapunan sila. Nang mahihiga na sila upang matulog, dumating ang lahat ng bata at matatandang lalaki ng Sodoma, at pinaligiran nila ang bahay ni Lot. Tinawag nila si Lot at tinanong, “Nasaan na ang mga panauhin mong lalaki na dumating ngayong gabi? Palabasin mo sila rito dahil gusto namin silang sipingan.”

