Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 30

30
1Si Raquel ay hindi pa rin nagbubuntis, kaya nainggit siya kay Lea. Sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng anak dahil kung hindi, mamamatay talaga ako!”
2Nagalit si Jacob sa kanya at sinabi, “Bakit, Dios ba ako? Siya ang nagpasya na hindi ka magkaanak.”
3Sinabi ni Raquel, “Kung ganoon, sumiping ka kay Bilha na alipin ko para kahit sa pamamagitan niya magkaroon din ako ng anak.”
4Kaya ibinigay niya si Bilha kay Jacob bilang asawa, at sumiping si Jacob kay Bilha.
5Dumating ang panahon, nabuntis si Bilha at nanganak ng lalaki. 6Sinabi ni Raquel, “Kinuha na ng Dios ang aking kahihiyan. Tinugon niya ang panalangin ko dahil binigyan niya ako ng isang anak na lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Dan.#30:6 Dan: Ang ibig sabihin, kinuha niya ang aking kahihiyan.
7Muling nagbuntis si Bilha na alipin ni Raquel at nanganak ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob. 8Sinabi ni Raquel, “Napakahigpit ng labanan namin bilang magkapatid, at nagtagumpay ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Naftali.#30:8 Naftali: Ang ibig sabihin, mahigpit ang labanan.
9Nang hindi na magkaanak si Lea, pinasipingan niya kay Jacob ang alipin niyang si Zilpa. 10Nabuntis si Zilpa at nanganak ng lalaki. 11Sinabi ni Lea, “Parang pinalad ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Gad.#30:11 Gad: Ang ibig sabihin, pinalad.
12Muling nanganak si Zilpa ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob. 13Sinabi ni Lea, “Lubha akong nasisiyahan! Ngayon tatawagin ako ng mga babae na masiyahin.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Asher.#30:13 Asher: Ang ibig sabihin, masiyahin.
14Anihan ng trigo noon, pumunta si Reuben sa bukid at may nakita siyang tanim na mandragora. Kumuha siya ng bunga nito at dinala sa ina niyang si Lea. Pagkakita noon ni Raquel ay sinabi niya kay Lea, “Bigyan mo rin ako ng mandragora na dinala ng anak mo.”
15Pero sumagot si Lea, “Hindi ka pa ba kontento na kinuha mo ang asawa ko? Ngayon, kukunin mo pa ang mandragora ng anak ko?”
Sinabi ni Raquel, “Kung bibigyan mo ako ng mandragora pasisipingin ko si Jacob sa iyo ngayong gabi.”
16Mag-aagaw dilim na nang dumating si Jacob mula sa bukid, sinalubong siya ni Lea at sinabi, “Kailangang sa akin ka sumiping ngayong gabi, dahil binayaran na kita kay Raquel ng mandragora na dala ng anak ko.” Kaya sumiping si Jacob kay Lea nang gabing iyon.
17Sinagot ng Dios ang panalangin ni Lea at siyaʼy nabuntis. Nanganak siya ng lalaki na ikalimang anak nila ni Jacob. 18Sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Dios dahil ibinigay ko ang alipin ko sa aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang kanyang anak na Isacar.#30:18 Isacar: Maaaring ang ibig sabihin, gantimpala.
19Muling nabuntis si Lea at nanganak ng lalaki na ikaanim nilang anak ni Jacob. 20Sinabi niya, “Binigyan ako ng Dios ng mabuting regalo. Pararangalan na ako nito ngayon ng asawa ko dahil nabigyan ko na siya ng anim na anak na puro lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Zebulun.#30:20 Zebulun: Maaaring ang ibig sabihin, karangalan.
21Hindi nagtagal nanganak si Lea ng babae at pinangalanan niyang Dina.
22Hindi rin kinalimutan ng Dios si Raquel. Sinagot niya ang kanyang panalangin na magkaanak din siya. 23Nagbuntis siya at nanganak ng lalaki. Sinabi niya, “Inalis ng Dios ang aking kahihiyan.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Jose#30:23 Jose: Maaaring ang ibig sabihin, inalis niya; o, binigyan pa ng isa. dahil sinabi niya, 24“Nawaʼy bigyan ako ng Panginoon ng isa pang anak.”
Ang Kasunduan ni Jacob at ni Laban
25Pagkatapos na ipanganak ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan nʼyo akong makauwi sa lugar namin. 26Ibigay nʼyo sa akin ang mga asawa ko, na ipinaglingkod ko sa inyo, at ang mga anak ko, dahil babalik na ako sa amin. Nalalaman nʼyo kung paano ako naglingkod sa inyo.”
27Sumagot si Laban, “Kung maaari huwag muna. Ayon sa pagpapahula ko, nalaman ko na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo. 28Sabihin mo lang kung magkano ang ibabayad ko sa iyo at babayaran kita.”
29Sinabi ni Jacob, “Alam mo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang mga hayop ninyo dahil sa pag-aalaga ko. 30Nang dumating ako rito, kakaunti pa lang ang mga hayop nʼyo, pero ngayon ay napakarami na, dahil pinagpala kayo ng Panginoon dahil sa akin. Ngayon, dapat na sigurong magsumikap ako para sa sarili kong sambahayan.”
31Nagtanong si Laban, “Ano ba ang gusto mong ibayad ko sa iyo?”
Sumagot si Jacob, “Huwag nʼyo na lang po akong bayaran. Ipagpapatuloy ko ang pag-aalaga sa mga hayop ninyo kung papayag kayo sa kundisyon ko: 32Titingnan ko ngayon ang mga hayop nʼyo at kukunin ko ang itim na mga tupa at batik-batik na mga kambing. Iyon na lang ang pinakabayad nʼyo sa akin. 33Darating ang araw, malalaman nʼyo kung maaasahan ako o hindi kung susuriin nʼyo ang mga hayop na ibinayad sa akin. Kung may makita po kayong kambing na hindi batik-batik o tupa na hindi itim, ituring nʼyo na ninakaw ko ito.”
34Sumagot si Laban, “Kung ganyan ang gusto mo, payag ako.”
35Pero nang araw ding iyon, ibinukod ni Laban ang mga batik-batik na kambing na lalaki at babae, pati ang mga itim na tupa. Pinaalagaan niya ito sa mga anak niyang lalaki. 36Ibinukod niya ito kay Jacob sa layo na tatlong araw kung lalakarin. Ang naiwang mga hayop ay ang binabantayan ni Jacob.
37Kumuha si Jacob ng mga sanga ng almendro, abilyano, at kastanyo, at binalat-balatan niya ito. Pero hindi niya lubos na binalatan, kaya may batik-batik na puti kapag tiningnan ang mga sanga. 38-39Inilagay niya ang mga sangang iyon sa harapan ng painuman ng mga hayop para makita ng mga ito kapag iinom sila. Doon sa harapan ng mga sanga nagkakastahan#30:38-39 nagkakastahan: sa Ingles, “mating season.” ang mga kambing kapag umiinom sila. Batik-batik ang mga anak nila kapag nanganganak sila. 40Pero iba ang ginawa ni Jacob sa mga tupa: Habang nagkakastahan ang mga hayop na ito, pinapaharap niya sila sa mga batik-batik na kambing niya at sa itim na mga kambing ni Laban. Kaya nakaipon din si Jacob ng sarili niyang mga hayop at hindi niya ito isinama sa mga hayop ni Laban. 41Kapag nagkakastahan na ang mga hayop na maganda ang katawan doon sa pinag-iinuman, inilalagay agad ni Jacob ang mga sangang iyon sa harapan ng mga ito. 42Pero kapag ang mga hayop na matatamlay ang nagkakastahan, hindi niya inilalagay ang mga sanga, kaya ang mga matatamlay ay kay Laban at ang mga masisigla ang katawan ay kay Jacob. 43Sa ganitong paraan, labis na yumaman si Jacob. Dumami ang hayop niya pati na ang mga kamelyo at asno. Dumami rin ang alipin niyang lalaki at babae.

Kasalukuyang Napili:

Genesis 30: ASND

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in