Mga Hukom 14:1-9
Mga Hukom 14:1-9 ASD
Isang araw, pumunta si Samson sa Timna, at may nakita siya roon na isang dalagang Filisteo. Nang makauwi na siya, nagkuwento siya sa mga magulang niya. Sinabi niya, “May nakita ako sa Timna na isang babaeng Filisteo. Kunin nʼyo siya dahil gusto ko siyang mapangasawa.” Ngunit sumagot ang mga magulang niya, “Wala ka bang mapili man lang sa mga kamag-anak o kababayan natin? Bakit gusto mong makapag-asawa ng mula sa mga Filisteong hindi tuli?” Ngunit sumagot si Samson sa kanyang ama, “Basta kunin nʼyo siya. Siya ang tamang babae para sa akin.” Hindi alam ng mga magulang ni Samson na kalooban pala ng Panginoon ang pasya niya. Sapagkat naghahanap ang Panginoon ng pagkakataon na makipaglaban sa mga Filisteo, dahil sakop ng mga Filisteo ang Israel nang mga panahong iyon. Pumunta si Samson sa Timna kasama ang mga magulang niya. Nang papunta na si Samson sa mga ubasan sa Timna, bigla siyang sinalubong ng isang batang leon na umuungal. Agad na lumukob sa kanya ang Espiritu ng Panginoon at niluray niya ang leon gamit ang kanyang mga kamay na tulad lang ng pagluray sa batang kambing. Ngunit hindi niya ito sinabi sa mga magulang niya. Pinuntahan ni Samson ang babae at nakipagkuwentuhan, at nagustuhan talaga niya ang ito. Pagkalipas ng ilang araw, bumalik siya sa Timna upang pakasalan ang babae. Doon siya dumaan sa kinaroroonan ng pinatay niyang leon upang tingnan ang bangkay nito. At nakita niya ang maraming pulot at pukyutan sa bangkay ng leon. Isinandok niya ang kanyang kamay sa pulot at kumain habang naglalakad. Nang makita niya ang kanyang magulang, binigyan niya sila ng pulot, at kinain din nila ito. Ngunit hindi niya sinabi sa kanila na kinuha niya ito sa bangkay ng leon.

