Mga Hukom 16:1-6
Mga Hukom 16:1-6 ASD
Isang araw, pumunta si Samson sa Gaza. May nakita siya roon na isang babaeng bayaran at nakipagsiping siya kanya. Nalaman ng mga taga-Gaza na naroon si Samson, kaya pinalibutan nila ang lungsod at magdamag na binantayan ang pintuan ng lungsod. Hindi sila lumusob nang gabing iyon. Nagpasya sila na papatayin nila si Samson nang madaling-araw. Ngunit hanggang hatinggabi lang na natulog si Samson doon. Bumangon siya at pumunta sa may pintuan ng lungsod. Hinawakan niya ang pintuan at binunot, at natanggal ito pati ang mga kandado at haligi nito. Pagkatapos, pinasan niya ito at dinala sa tuktok ng bundok na nakaharap sa Hebron. Isang araw, nagkagusto si Samson sa isang dalaga na nakatira sa Lambak ng Sorek. Ang pangalan niyaʼy Delaila. Pinuntahan ng mga pinuno ng mga Filisteo si Delaila at sinabi, “Kumbinsihin mo siya na ipagtapat sa iyo ang sekreto ng lakas niya at kung paano siya matatalo, upang maigapos at mabihag namin siya. Kung magagawa mo ito, ang bawat isa sa amin ay magbibigay sa iyo ng 1,100 pilak.” Kaya tinanong ni Delaila si Samson. Sinabi niya, “Ipagtapat mo sa akin ang sekreto ng lakas mo. Kung may gagapos o huhuli sa iyo, paano niya ito gagawin?”


