Juan 16:8-28
Juan 16:8-28 ASD
Pagdating niya, ipapakita niya sa sanlibutan na makasalanan sila at ako namaʼy matuwid. At ipapakita rin niya na hahatulan sila ng Diyos. Ipapakita niya sa mga tao na makasalanan sila dahil hindi sila sumampalataya sa akin. Ipapakita niya na ako ay matuwid dahil pupunta ako sa Ama at hindi nʼyo na makikita. Ipapakita rin niya sa kanila na hahatulan sila ng Diyos dahil hinatulan na ang naghahari sa mundong ito. “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, pero hindi nʼyo pa kayang intindihin sa ngayon. Ngunit pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maintindihan nʼyo ang lahat ng katotohanan. Ang ituturo niya ay hindi galing sa kanya; sasabihin niya kung ano lang ang narinig niya at ipapahayag din niya sa inyo ang tungkol sa mga bagay na darating. Pararangalan niya ako dahil sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo. Ang lahat ng nasa Ama ay nasa akin, kaya sinabi kong sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag ng Espiritu sa inyo.” Sinabi pa ni Jesus, “Sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli.” Nagtanungan ang ilan sa mga alagad niya, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing sandaling panahon na lang at hindi na natin siya makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya na ang dahilan kung bakit hindi na natin siya makikita ay dahil babalik na siya sa kanyang Ama. Ano kaya ang ibig niyang sabihin sa ‘sandaling panahon’? Hindi natin alam kung ano ang ibig niyang sabihin.” Alam ni Hesus na gusto sana nilang magtanong, kaya sinabi niya sa kanila, “Nagtatanungan ba kayo tungkol sa sinabi ko na sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, iiyak kayoʼt magdadalamhati, ngunit ang mundoʼy magsasaya. Malulungkot kayo, pero ang kalungkutan ninyo ay mapapalitan ng kagalakan. Katulad ito ng isang babaeng naghihirap dahil malapit nang manganak. Ngunit pagkasilang ng sanggol, nakakalimutan na niya ang lahat ng hirap dahil sa kagalakan sapagkat naisilang na niya ang sanggol dito sa mundo. Ganyan din kayo. Nalulungkot kayo ngayon, pero magagalak kayo sa araw na magkita tayong muli. At walang sinumang makakaagaw ng inyong kagalakan. “Sa araw na iyon, hindi nʼyo na kailangang humingi sa akin ng kahit ano. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayon ay wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo at makakatanggap kayo, upang malubos ang inyong kagalakan. “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito sa pamamagitan ng mga talinghaga, pero darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang ganito. Sa halip, tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw ding iyon, kayo na mismo ang hihingi sa Ama sa pamamagitan ng aking pangalan. Hindi na kailangang ako pa ang humingi sa Ama para sa inyo. Sapagkat kayo mismo ay minamahal ng Ama, dahil minamahal nʼyo ako at naniniwala kayo na nagmula ako sa Diyos. Galing ako sa Ama at naparito ako sa mundo. Ngunit ngayon ay aalis na ako at babalik na sa Ama.”

