Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Juan 4:1-20

Juan 4:1-20 ASD

Nalaman ni Hesus na nabalitaan na ng mga Pariseo na mas marami na siyang nahihikayat at nababautismuhan na mga alagad kaysa kay Juan, kahit na hindi naman mismong si Hesus ang nagbabautismo kundi ang mga alagad niya. Kaya umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea. Ngunit kinailangan muna niyang dumaan sa Samaria. Dumating sila sa isang bayan na tinatawag na Sicar, malapit sa bukiring ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Matatagpuan doon ang balon na hinukay ni Jacob. Tanghaling-tapat na noon at dahil pagod na si Hesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon. Tumuloy naman ang mga alagad niya sa bayan para bumili ng pagkain. Dumating ang isang babaeng taga-Samaria para umigib. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Puwede bang makiinom?” Sumagot ang babae, “Kayo po ay isang Hudyo at ako namaʼy Samaritana. Bakit po kayo humihingi ng maiinom sa akin?” (Sinabi niya ito dahil hindi nakikihalubilo ang mga Hudyo sa mga taga-Samaria.) Sinabi ni Hesus sa babae, “Kung alam mo lang ang ipinagkakaloob ng Diyos, at kung sino ang humihingi ng maiinom saʼyo, baka ikaw pa ang manghingi sa kanya at bibigyan ka ng tubig na nagbibigay-buhay.” Sinabi ng babae, “Malalim po ang balon at wala kayong pang-igib. Saan po kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Nakahihigit po ba kayo sa aming ninunong si Jacob na nagbigay sa amin ng balong ito? Uminom siya dito pati ang mga anak niya, gayundin ang kanyang mga alagang hayop.” Sumagot si Hesus, “Ang lahat ng umiinom ng tubig na itoʼy muling mauuhaw, ngunit ang sinumang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na kailanman mauuhaw. Dahil ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal sa loob niya na magbibigay ng buhay na walang hanggan.” Sinabi ng babae, “Bigyan nʼyo po ako ng tubig na sinasabi nʼyo upang hindi na ako muling mauhaw at hindi ko na kailangan pang pumunta rito para umigib.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Umuwi ka, tawagin mo ang iyong asawa at isama mo rito.” “Wala po akong asawa,” sagot ng babae. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Tama ang sinabi mo na wala kang asawa, dahil lima na ang naging asawa mo, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Nagsasabi ka nga ng totoo.” Sumagot ang babae, “Sa tingin ko, isa po kayong propeta. Ang aming mga ninuno ay sumamba sa Diyos sa bundok na ito, ngunit kayong mga Hudyo ay nagsasabi na sa Jerusalem lang dapat sumamba ang mga tao.”