Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 2

2
Ang Pangalawang Pagsubok kay Job
1Isang araw, muling nagtipon ang mga anghel#2:1 mga anghel: Sa literal, mga anak ng Diyos. sa harapan ng Panginoon, at muli ring sumali sa kanila si Satanas. 2Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt paritong naglilibot sa mundo.”
3Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya, malinis ang pamumuhay, may takot sa akin at umiiwas sa kasamaan. Nanatili pa rin siyang tapat kahit na inudyukan mo akong sirain siya nang walang dahilan.”
4Sinabi ni Satanas, “Matatanggap ng tao na mawala ang lahat sa kanya bastaʼt buhay lang siya. 5Subalit, sa sandaling iangat mo ang iyong kamay at saktan siya, tiyak na isusumpa ka niya nang harapan.”
6Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “O sige, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, ngunit huwag mo lamang siyang papatayin.”
7Kaya umalis si Satanas sa harapan ng Panginoon, at pinahirapan si Job ng mga pigsa mula ulo hanggang talampakan. 8Kumuha si Job ng basag na palayok at ginamit na pangkayod sa kanyang mga sugat habang nakaupo sa abo.
9Sinabi sa kanya ng asawa niya, “Ano, tapat ka pa rin ba sa iyong Diyos? Sumpain mo na siya at nang mamatay ka na!”
10Sumagot si Job, “Nagsasalita ka ng walang kabuluhan. Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin mula sa Diyos at hindi ang masasamâ?” Sa kabila ng lahat ng nangyari kay Job ay hindi siya nagkasala kahit sa pananalita.
Ang Tatlong Kaibigan ni Job
11Nabalitaan ng tatlo sa mga kaibigan ni Job ang masamang nangyari sa kanya. Itoʼy sina Elifaz na taga-Teman, si Bildad na taga-Shua, at si Zofar na taga-Naama. Nagkasundo silang tatlo na dalawin si Job upang damayan siya at aliwin. 12Malayo-layo pa sila, nakita na nila si Job, ngunit halos hindi na nila ito makilala. Kaya napaiyak sila nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng alikabok sa kanilang ulo bilang pagpapakita ng pagdadalamhati. 13Pagkatapos, umupo sila sa lupa kasama ni Job sa loob ng pitong araw at pitong gabi. Hindi sila nagsalita dahil nakita nila ang labis na paghihirap na dinaranas ni Job.

Kasalukuyang Napili:

Job 2: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in