Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Joel 1:13-20

Joel 1:13-20 ASD

Kayong mga paring naglilingkod sa altar ng aking Diyos, magsuot kayo ng sako at pumunta sa templo at umiyak buong magdamag. Sapagkat wala nang butil o inumin na ihahandog sa templo ng inyong Diyos. Sabihin ninyo sa mga tagapamahala ng Juda at sa lahat ng kanyang mamamayan na pumunta silang lahat sa templo ng Panginoon na inyong Diyos at mag-ayuno. Humingi sila ng tulong sa Panginoon. Naku! Malapit na ang araw ng paghatol ng Panginoon. Darating ito mula sa Makapangyarihan at magdadala ng kapahamakan. Nakita natin mismo kung paano tayo nawalan ng pagkain at kung paano nawala ang kagalakan sa Templo ng Diyos. Namatay ang mga binhi sa tigang na lupa. At dahil natuyo ang mga butil, wala nang laman ang mga bodega, kaya nagiba na lamang ang mga ito. Umaatungal ang kawan ng hayop dahil sa gutom. Gumagala ang mga baka na naghahanap ng makakain, pati ang mga tupa ay nagdurusa. Panginoon, nananawagan po ako sa inyo, dahil natuyo na ang mga pastulan at ang lahat ng punongkahoy sa bukirin, na parang nilamon ng apoy. Maging ang mga hayop sa gubat ay dumadaing sa inyo, dahil tuyong-tuyo na ang mga ilog at mga sapa, at tuyo na rin ang mga pastulan, na parang nilamon ng apoy.