Josue 3:1-13
Josue 3:1-13 ASD
Maaga paʼy bumangon na si Josue at ang lahat ng mga Israelita. Umalis sila sa Shitim at pumunta sa Ilog Jordan kung saan nagkampo muna sila bago tumawid sa kabilang ibayo. Pagkalipas ng tatlong araw, nag-ikot sa kampo ang mga pinuno at sinabi nila sa mga tao, “Kapag nakita ninyong dinadala ng mga Levitang pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Diyos, sumunod kayo sa kanila, para malaman nʼyo kung saan kayo dadaan, dahil hindi pa kayo nakakadaan doon. Ngunit huwag kayong lalapit sa Kahon ng Kasunduan; magkaroon kayo ng agwat na isang kilometro.” Pagkatapos, sinabi ni Josue sa mga tao, “Linisin nʼyo ang inyong sarili dahil bukas magpapakita ang Panginoon ng mga kamangha-manghang bagay sa inyo.” Sinabi rin ni Josue sa mga pari, “Dalhin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan at mauna kayo sa mga tao.” At dinala nga ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan at nauna sila sa mga tao. At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, pararangalan kita sa harap ng lahat ng Israelita para malaman nilang sumasaiyo ako gaya ng pagsama ko kay Moises. Sabihin mo sa mga paring tagadala ng Kahon ng Kasunduan na pagtapak nila sa Ilog Jordan ay huminto muna sila.” Kaya sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Halikayoʼt sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi ng Panginoon na inyong Diyos. Ngayon, malalaman nʼyo na sumasainyo ang buháy na Diyos, dahil siguradong itataboy niya palayo sa inyo ang mga Cananeo, Heteo, Heveo, Perezeo, Gergeseo, Amoreo at mga Jebuseo. Tiyakin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo ay mauuna sa inyo sa pagtawid sa Ilog Jordan. Kaya ngayon, pumili kayo ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lahi ng Israel. Kapag lumusong na ang mga pari na tagadala ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, ang Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo, hihinto ang pagdaloy ng tubig sa Ilog Jordan. Ang tubig nito mula sa itaas ay maiipon sa isang lugar.”

