Leviticus 23:1-14
Leviticus 23:1-14 ASD
Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Ito ang mga pistang pinili ng Panginoon na dapat ninyong itakda bilang araw ng pagtitipon at pagsamba ninyo sa kanya. “ ‘May anim na araw kayo para magtrabaho, ngunit sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil ito ang Araw ng Pamamahinga. Huwag kayong magtrabaho sa araw na ito, sa halip ay magtipon kayo upang sumamba dahil ito ang araw para magpuri sa Panginoon. “ ‘Ito ang mga natatanging araw na pinili ng Panginoon na dapat magtipon ang mga Israelita para sumamba sa akin. Ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ginaganap sa gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan. At sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, magsisimula naman ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pitong araw ang pistang ito at sa mga araw na iyon, ang tinapay na kakainin ninyo ay dapat walang pampaalsa. Sa unang araw ng pistang ito, huwag kayong magtatrabaho, sa halip ay magtipon kayo at sumamba sa inyong Panginoon. Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo sa kanya ng handog sa pamamagitan ng apoy. At sa ikapitong araw, huwag kayong magtatrabaho sa halip ay magtipon nga kayo at sumamba sa akin na inyong Panginoon.’ ” Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon at kayoʼy mag-aani, dadalhin ninyo sa pari ang unang bigkis ng bawat ani, at kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga, itataas niya ito sa Panginoon para tanggapin kayo ng Panginoon sa pamamagitan nito. Sa araw ding iyon, maghahandog din kayo sa Panginoon ng tupa na isang taóng gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog. Kasama nito, maghandog din kayo ng apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil sa Panginoon, at isang litrong alak bilang handog na inumin. Mga handog ito sa pamamagitan ng apoy, at nakalulugod ang samyo nito sa Panginoon. Hindi kayo dapat kumain ng anuman mula sa inyong bagong ani, ito man ay sariwa o binusa o nilutong tinapay, hanggaʼt hindi niyo pa ito naihahandog sa inyong Diyos. Ang tuntuning ito ay dapat ninyong sundin magpakailanman, kayo at ang susunod pang mga henerasyon, saan man kayo tumira.


