Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Leviticus 23:15-44

Leviticus 23:15-44 ASD

“ ‘Pagkatapos ng pitong linggo mula sa araw na kayoʼy naghandog ng mga binigkis na ani bilang handog na itinataas, muli kayong magtipon at mag-alay sa Panginoon ng handog na pagkaing butil mula sa mga binigkis ng unang ani ninyo. At sa ika-limampung araw, ang araw pagkatapos ng ikapitong Araw ng Pamamahinga, maghandog kayo dalawang tinapay na gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina na may pampaalsa. Ihandog ninyo ito bilang handog na itinataas para sa Panginoon, mula sa inyong unang ani. Kasama nito, magdala rin kayo ng pitong lalaking tupa na isang taóng gulang na walang kapansanan, isang batang toro, at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Ihahandog ninyo ang mga ito bilang handog na sinusunog para sa Panginoon, kasama ng handog na pagkaing butil at handog na inumin. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon. Maghahandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan, at dalawang tupa na tig-isang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan. Itataas ng pari sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas ang dalawang tupa at ang handog na mula sa unang ani. Itoʼy banal na mga handog sa Panginoon dahil itoʼy bahagi ng mga pari. Huwag kayong magtatrabaho sa araw ding iyon, kundi magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Ang tuntuning ito ay dapat ninyong sundin magpakailanman, kayo at ang susunod pang mga henerasyon, saan man kayo tumira. “ ‘Kung aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan. Ipaubaya na lang ninyo iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ito ang utos ng Panginoon na inyong Diyos. “ ‘Sa unang araw ng ikapitong buwan, magpahinga kayo para alalahanin ang Panginoon. Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipon kayo para sumamba sa kanya. Huwag kayong magtrabaho sa araw na iyon, sa halip mag-alay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. “ ‘Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ding iyon ay Araw ng Pagtubos. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon kundi magtipon kayo sa pagsamba sa Panginoon na may pag-aayuno at pag-aalay ng handog sa pamamagitan ng apoy. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa inyong mga kasalanan sa Panginoon na inyong Diyos. Ang ayaw mag-ayuno sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. Papatayin ng Panginoon ang sinumang magtatrabaho sa araw na iyon. Kaya magpahinga kayo at mag-ayuno mula sa paglubog ng araw nang ikasiyam na araw ng buwang iyon hanggang sa susunod na paglubog ng araw. Ang tuntuning ito ay dapat ninyong sundin magpakailanman, kayo at ang susunod pang mga henerasyon, saan man kayo tumira.’ ” Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Sa ika-labinlimang araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol at itoʼy ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw. Sa unang araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa ikawalong araw, hindi rin kayo magtatrabaho kundi muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon, at maghandog sa kanya. Iyan ang panghuling araw ng inyong pagtitipon. “ ‘Iyon ang itinakdang espesyal na mga araw na magtitipon kayo para sumamba sa Panginoon at para mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon; mga handog na sinusunog, handog na pagkaing butil sa Panginoon, at mga handog na inumin. Ang mga handog na ito ay kinakailangang ihandog ninyo sa itinakdang araw ng paghahandog nito. Ipagdiwang ninyo ang itinakdang mga araw na ito bukod pa sa lingguhang Araw ng Pamamahinga na ginagawa ninyo. At ang mga handog na ito ay dapat ninyong ialay dagdag sa inyong mga kaloob, mga handog para tuparin ang isang panata, at handog na kusang-loob na iniaalay ninyo sa Panginoon. “ ‘Tungkol naman sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, ipagdiriwang ninyo ito para parangalan ang Panginoon mula sa ika-labinlimang araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng anihan. Ipagdiwang nʼyo ito sa loob ng pitong araw. Huwag kayong magtatrabaho sa una at sa ikawalong araw. Sa unang araw, kumuha kayo ng pinakamagandang bunga ng mga punongkahoy, mga dahon ng palma, mga mayayabong na sanga ng puno sa lambak, at kayoʼy masayang magdiwang sa presensya ng Panginoon na inyong Diyos sa loob ng pitong araw. Ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa ikapitong buwan bawat taon para parangalan ang Panginoon. Sa loob ng pitong araw, lahat kayong mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol para malaman ng inyong mga anak na pinatira ng Panginoon na inyong Diyos ang inyong mga ninuno sa mga kubol nang sila ay inilabas sa Ehipto. Ang tuntuning ito ay dapat ninyong sundin magpakailanman, kayo at ang susunod pang mga henerasyon, saan man kayo tumira.’ ” Ito ang tungkol sa mga itinakdang pagdiriwang para sa pagsamba sa Panginoonna sinabi ni Moises sa mga Israelita.