Nang ikawalong araw, pagkatapos ng pagtatalaga, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang mga anak niyang lalaki at ang mga tagapamahala ng Israel. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro, at isang lalaking tupa na parehong walang kapintasan, at ihandog sa PANGINOON. Ang baka ay handog sa paglilinis, at ang tupa ay handog na sinusunog. Sabihin mo sa mga taga-Israel na magdala sila ng lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At kumuha rin sila ng baka at tupa na kapwa isang taon at walang kapintasan, at ihandog bilang handog na sinusunog. Kumuha rin sila ng isang baka at lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon. Ihahandog nila ito kasama ng handog na butil na may halong langis, dahil magpapakita ang PANGINOON sa inyo sa araw na ito.”
Kaya dinala nila roon sa harap ng Toldang Tipanan ang lahat ng dadalhin ayon sa sinabi ni Moises sa kanila. At silang lahat ay nagtipon doon sa presensya ng PANGINOON. Sinabi ni Moises sa kanila, “Inuutusan kayo ng PANGINOON na gawin ninyo ang paghahandog na ito para ipakita niya sa inyo ang kanyang kapangyarihan.” Pagkatapos, sinabi niya kay Aaron, “Lumapit ka sa altar at ialay mo ang iyong handog sa paglilinis at handog na sinusunog para matubos ka at ang sambahayan mo sa inyong mga kasalanan. At ialay mo rin ang handog ng mga tao para sila rin ay matubos sa kanilang mga kasalanan ayon sa iniutos ng PANGINOON.”
Kaya lumapit si Aaron sa altar at pinatay niya ang handog na batang toro bilang handog sa paglilinis. Ang dugo nitoʼy dinala sa kanya ng kanyang mga anak, at inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwinisik sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ang natirang dugo ay ibinuhos niya sa ilalim ng altar. Sinunog niya sa altar ang mga taba at ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay ayon sa utos ng PANGINOON kay Moises. Ang karne at ang balat ay sinunog niya sa labas ng kampo. Pagkatapos, pinatay din ni Aaron ang mga hayop na para sa handog na sinusunog. Ang dugo ay dinala ng kanyang mga anak sa kanya at iwinisik niya sa palibot ng altar. Dinala rin sa kanya ng mga anak niya ang hiniwa-hiwang mga karne ng handog na hayop, pati ang ulo, at sinunog niya ang mga ito sa altar. Hinugasan niya ang lamang-loob, at mga paa, at sinunog niya ang mga ito sa altar pati na ang iba pang parte ng handog na hayop.
Pagkatapos, dinala niya sa gitna ang mga handog na para sa mga tao. Pinatay niya ang kambing na handog sa paglilinis ng mga tao katulad ng kanyang ginawa sa una niyang handog na inialay para maging malinis siya sa kanyang mga kasalanan. Pagkatapos, dinala rin niya sa gitna ang hayop para sa handog na sinusunog, at inihandog niya ayon sa paraan ng paghahandog nito. Dinala rin niya sa gitna ang handog na mga butil. Dumakot siya ng isang dakot na butil at sinunog sa altar kasama ng handog na sinusunog tuwing umaga.
Pinatay din ni Aaron ang baka at ang lalaking tupa para sa mga tao na kanilang handog para sa mabuting relasyon. Ang dugo ay dinala sa kanya ng kanyang mga anak at iwinisik niya sa palibot ng altar. Ang taba ng mga ito – ang matabang buntot, ang mga taba sa lamang-loob, ang mga bato, pati na ang maliit na bahagi ng atay ay ipinatong ng mga anak ni Aaron sa pitso ng mga handog na hayop. At sinunog ni Aaron ang mga taba sa altar. Ayon din sa utos ni Moises, itinaas ni Aaron ang pitso at ang kanang hita ng hayop bilang handog na itinataas.
Pagkatapos maihandog ni Aaron ang lahat ng ito, itinaas niya ang kanyang mga kamay sa mga tao at binasbasan niya, at pagkatapos, bumaba siya mula sa altar. At pumasok sina Moises at Aaron sa loob ng Toldang Tipanan. Paglabas nila, muli nilang binasbasan ang mga tao. At ipinakita ng PANGINOON ang kanyang kapangyarihan sa mga tao sa pamamagitan ng apoy na sumunog sa mga handog na nasa altar. Nang itoʼy makita ng mga tao, nagsigawan sila sa tuwa at nagpatirapa para sambahin ang PANGINOON.