Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 1:36-80

Lucas 1:36-80 ASND

Maging ang kamag-anak mong si Elizabet ay buntis din sa kabila ng kanyang katandaan. Alam ng lahat na baog siya, pero anim na buwan na siyang buntis ngayon. Sapagkat walang imposible sa Dios.” Sumagot si Maria, “Alipin po ako ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang mga sinabi ninyo.” At iniwan siya ng anghel. Hindi nagtagal, nag-ayos si Maria at dali-daling pumunta sa isang bayan sa kabundukan ng Judea kung saan nakatira sina Zacarias. Pagdating niya sa bahay nina Zacarias, binati niya si Elizabet. Nang marinig ni Elizabet ang pagbati ni Maria, naramdaman niyang gumalaw nang malakas ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Napuspos ng Banal na Espiritu si Elizabet at malakas niyang sinabi, “Higit kang pinagpala ng Dios sa lahat ng babae, at pinagpala rin niya ang magiging anak mo! Isang malaking karangalan na dalawin ako ng ina ng aking Panginoon. Nang marinig ko ang pagbati mo sa akin, gumalaw nang malakas sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. Mapalad ka dahil naniwala kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon.” At sinabi ni Maria, “Buong puso kong pinupuri ang Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas! Sapagkat inalala niya ako na kanyang abang lingkod. Mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng henerasyon, dahil sa dakilang mga bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihang Dios. Banal siya! Kinaaawaan niya ang mga taong may takot sa kanya sa bawat henerasyon. Ipinakita niya ang dakila niyang mga gawa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Itinaboy niya ang mga taong mataas ang tingin sa sarili. Ibinagsak niya ang mga makapangyarihang hari mula sa kanilang mga trono, at itinaas niya ang mga nasa mababang kalagayan. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom, ngunit pinaalis niya na walang dala ang mayayaman. Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod. Sapagkat hindi niya kinalimutan ang kanyang ipinangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, na kaaawaan niya sila magpakailanman.” At nakitira si Maria kina Elizabet ng mga tatlong buwan bago siya umuwi. Dumating na ang oras ng panganganak ni Elizabet, at nagsilang siya ng isang lalaki. Nabalitaan ng mga kapitbahay at mga kamag-anak niya kung paano siya pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya. Nang walong araw na ang sanggol, dumalo ang mga kapitbahay at mga kamag-anak sa pagtutuli sa kanya. Zacarias sana ang ipapangalan nila sa bata dahil iyon din ang pangalan ng kanyang ama. Pero sinabi ni Elizabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” Sumagot ang mga tao, “Pero wala namang may ganyang pangalan sa pamilya ninyo.” Kaya tinanong nila ang ama sa pamamagitan ng senyas kung ano ang gusto niyang ipangalan sa sanggol. Sumenyas siya na bigyan siya ng masusulatan. Pagkatapos ay isinulat niya, “Juan ang ipapangalan sa kanya.” Nagtaka silang lahat. Noon din ay nakapagsalita na si Zacarias at nagpuri sa Dios. Nangilabot ang lahat ng kapitbahay nila, at naging usap-usapan sa buong kabundukan ng Judea ang pangyayaring iyon. Ang lahat ng nakabalita ay nag-isip at nagtanong, “Magiging ano kaya ang batang ito kapag lumaki na siya?” Sapagkat malinaw na sumasakanya ang Panginoon. Napuspos ng Banal na Espiritu ang ama ni Juan na si Zacarias at kanyang ipinahayag: “Purihin ang Panginoong Dios ng Israel! Sapagkat inalala niya at tinubos ang kanyang bayan. Sinugo niya sa atin ang makapangyarihang Tagapagligtas mula sa angkan ng lingkod niyang si David. Itoʼy ayon sa ipinangako niya noon pang unang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta. Ipinangako niya na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway at sa lahat ng napopoot sa atin. Kaaawaan niya ang ating mga ninuno, at tutuparin ang banal niyang kasunduan sa kanila na ipinangako niya sa ninuno nating si Abraham. Ayon nga sa kanyang kasunduan, ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway upang makapaglingkod tayo sa kanya nang walang takot, at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo ay nabubuhay.” Sinabi naman ni Zacarias sa anak niya, “Ikaw naman, anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Dios, dahil mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa kanyang pagdating. Ituturo mo sa mga mamamayan niya kung paano sila maliligtas sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, dahil maawain at mapagmahal ang ating Dios. Tulad ng pagsikat ng araw, ipapadala niya sa atin ang Tagapagligtas upang maliwanagan ang mga taong nasa kadiliman at takot sa kamatayan. At tuturuan niya tayo kung paano mamuhay nang may mabuting relasyon sa Dios at sa kapwa.” Lumaki ang batang si Juan at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na nagsimula siyang mangaral sa mga Israelita.